Revised Common Lectionary (Complementary)
103 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
3 Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
4 Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
7 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
9 Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
10 Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
12 At yumaon ang kaniyang mga kapatid upang magpastol ng kawan ng kanilang ama, sa Sichem.
13 At sinabi ni Israel kay Jose, Di ba nagpapastol ng kawan sa Sichem ang iyong mga kapatid? Halika, at uutusan kita sa kanila. At sinabi niya sa kaniya, Narito ako.
14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Yumaon ka, tingnan mo kung mabuti ang lagay ng iyong mga kapatid, at kung mabuti ang lagay ng kawan; at balitaan mo ako. Gayon sinugo siya mula sa libis ng Hebron, at siya'y naparoon sa Sichem.
15 At nasumpungan siya ng isang tao, at, narito, na siya'y naggagala sa parang; at siya'y tinanong ng taong yaon, na sinasabi, Anong hinahanap mo?
16 At kaniyang sinabi, Hinahanap ko ang aking mga kapatid; ipinamamanhik ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.
17 At sinabi ng tao, Nagsialis na sila: sapagka't narinig kong kanilang sinabi, Tayo na sa Dotan. At sinundan ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at nasumpungan niya sila sa Dotan.
18 At kanilang natanawan siya sa malayo, at bago nakalapit sa kanila ay nagbanta sila laban sa kaniya na siya'y patayin.
19 At nagsangusapan, Narito, dumarating itong mapanaginipin.
20 Halikayo ngayon, siya'y ating patayin, at siya'y ating itapon sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, Sinakmal siya ng isang masamang hayop: at ating makikita kung anong mangyayari sa kaniyang mga panaginip.
21 At narinig ni Ruben, at iniligtas siya sa kanilang kamay; at sinabi, Huwag nating kitlin ang kaniyang buhay.
22 At sinabi ni Ruben sa kanila, Huwag kayong magbubo ng dugo; itapon ninyo sa balong ito na nasa ilang, datapuwa't huwag ninyong pagbuhatan ng kamay; upang iligtas sa kanilang kamay ng mapabalik sa kaniyang ama.
23 At nangyari, nang dumating si Jose sa kaniyang mga kapatid, na hinubdan siya ng kaniyang tunika, ng tunikang may sarisaring kulay na kaniyang suot;
24 At kanilang sinunggaban, at kanilang itinapon sa balon: at ang balon ay tuyo, walang tubig.
25 At nagsiupo upang kumain ng tinapay, at kanilang itiningin ang kanilang mga mata at tumingin sila, at, narito, ang isang pulutong na mga Ismaelita na nagsisipanggaling sa Gilead sangpu ng kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, at mga balsamo, at mga mirra, na kanilang dadalhin sa Egipto.
26 At sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid. Anong ating mapapakinabang kung ating patayin ang ating kapatid, at ilihim ang kaniyang dugo?
27 Halikayo, at atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; sapagka't siya'y ating kapatid, atin din laman. At dininig siya ng kaniyang mga kapatid.
28 At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang isinampa si Jose sa balon, at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita ng dalawang pung putol na pilak. At dinala si Jose sa Egipto.
29 At nagbalik si Ruben sa balon; at, narito, na si Jose ay wala sa balon; at kaniyang hinapak ang kaniyang mga suot.
30 At siya'y nagbalik sa kaniyang mga kapatid, at kaniyang sinabi, Wala ang bata; at ako, saan ako paroroon?
31 At kanilang kinuha ang tunika ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang tunika sa dugo:
32 At kanilang ipinadala ang tunikang may sarisaring kulay, at dinala sa kanilang ama; at kanilang sinabi, Ito'y aming nasumpungan: kilalanin mo ngayon, kung tunika ng iyong anak o hindi.
33 At kaniyang kinilala, at sinabi, Siya ngang tunika ng aking anak; sinakmal siya ng isang masamang hayop; si Jose ay walang pagsalang nilapa.
34 At hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot, at kaniyang nilagyan ng magaspang na damit ang kaniyang mga balakang, at tinangisang maraming araw ang kaniyang anak.
35 At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalake at babae upang siya'y aliwin; datapuwa't tumanggi siyang maaliw; at kaniyang sinabi, Sapagka't lulusong akong tumatangis sa aking anak hanggang sa Sheol. At tinangisan siya ng kaniyang ama.
36 At ipinagbili siya ng mga Midianita sa Egipto kay Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay.
11 Sapagka't ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mangagibigan tayo sa isa't isa:
12 Hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid.
13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan.
14 Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.
15 Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.
16 Dito'y nakikilala natin ang pagibig, sapagka't kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.
Public Domain