Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
May Takdang Panahon para sa Lahat
3 Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
2 Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
3 Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
4 Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
5 Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
6 Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
7 Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
8 Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay
27 “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
30 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31 Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32 At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34 Sinagot(A) siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36 Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio
Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.