Revised Common Lectionary (Complementary)
20 Para kay Cristo, kami nga ay mga kinatawan na waring ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan namin. Nagsusumamo kami alang-alang kay Cristo na makipagkasundo kayong muli sa Diyos. 21 Ito ay sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
6 Bilang kamanggagawa, hinihimok namin kayo. Huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. 2 Sinabi niya:
Sa panahong ipinahintulot pinakinggan kita, at sa araw ng pagliligtas, tinulungan kita.
Narito, ngayon ang panahong katanggap-tanggap. Narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.
Ang mga Paghihirap ni Pablo
3 Sa anumang bagay ay hindi kami nagbigay ng katitisuran upang hindi mapulaan ang gawain ng paglilingkod.
4 Sa halip, sa lahat ng bagay ay ipinakilala namin ang aming sarili bilang tagapaglingkod ng Diyos. Ito ay maging sa maraming pagbabata, kabalisahan, pangangailangan at kagipitan. 5 Maging sa paghagupit sa amin, pagkabilanggo, kaguluhan, pagpapagal, pagpupuyat, at pag-aayuno. 6 Maging sa kalinisan, kaalaman, pagtitiis, kabutihan, at maging sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at walang pakunwaring pag-ibig, ipinakikilala naming kami ay mga tagapaglingkod. 7 Ipinakilala namin ito sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng sandata ng katuwiran sa kanan at kaliwang kamay. 8 Maging sa karangalan at kawalang karangalan, maging sa masamang ulat at mabuting ulat, ipinakilala naming kami ay tagapaglingkod. Kahit na iparatang na kami ay mandaraya, kami aymga totoo, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 9 Kahit na sabihing hindi kami kilala bagama’t kilalang-kilala, naghihingalo gayunma’y buhay, pinarurusahan ngunit hindi pinapatay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod. 10 Kahit na namimighati ngunit laging nagagalak, mahirap gayunma’y maraming pinayayaman, walang tinatangkilik bagama’t nagtatangkilik ng lahat ng bagay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod.
Ang Pagtulong sa Nangangailangan
6 Mag-ingat kayo na huwag gawing pakitang-tao lamang ang inyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Kung magkagayon ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala sa inyong Ama sa langit.
2 Kaya nga, kapag ikaw ay namamahagi sa mga kahabag-habag, huwag mong hipan ang trumpeta na nasa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan. Ginagawa nila ito upang sila ay luwalhatiin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Kung mamahagi ka sa mga kahabag-habag, huwag mo nang ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanang kamay. 4 Sa gayon, maililihim ang iyong pamamahagi sa mga kahabag-habag. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay magbibigay ng gantimpala sa iyo nang hayagan.
Nagturo si Jesus Patungkol sa Pananalangin
5 Kapag ikaw ay mananalangin, huwag mong tularan ang mga mapagpaimbabaw. Ito ay sapagkat gustong-gusto nilang manalangin habang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kung ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid. Kapag naisara mo na ang pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan.
Ang Pag-aayuno
16 Kapag kayo ay mag-aayuno, huwag ninyong tularan ang mga mapagpaimbabaw na pinapalungkot ang kanilang mukha. Ito ay sapagkat pinasasama nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang makita ng mga tao na sila ay nag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kung mag-aayuno ka, langisan mo ang iyong ulo at maghilamos ka ng iyong mukha. 18 Sa ganoon, hindi makikita ng mga tao na nag-aayuno ka kundi ng iyong Ama na nasa lihim. Ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang magbibigay sa iyo ng gantimpala nang hayagan.
Ang Kayamanan sa Langit
19 Huwag kayong mag-ipon para sa inyong sarili ng kayamanan dito sa lupa na kung saan maraming tanga at kalawang ang naninira. Nanakawin din ang mga ito ng mga magnanakaw.
20 Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit dahil doon ay walang tanga at kalawang na sisira, at wala ring mga magnanakaw. 21 Ito ay sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.
Copyright © 1998 by Bibles International