Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pagkatawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ni Yahweh, 5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
6 Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”
7 Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo. 8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin. 10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
Panalangin ng Isang Matanda Na
71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
2 Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
3 Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
4 Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
5 Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
6 Sa simula at mula pa wala akong inasahang
sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
Ang Pag-ibig
13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung(A) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”
22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.
23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(A) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(B) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(C) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(D) dinami-dami ng mga may ketong[a] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.