Revised Common Lectionary (Complementary)
UNANG AKLAT
Dalawang Uri ng Pamumuhay
1 Mapalad ang taong
hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
2 kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
3 Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.
4 Ang masama ay hindi gayon;
kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
6 sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.
5 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,
7 at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.
8 Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.
9 At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.
10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”
Ang Gawain ni Tito sa Creta
5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:
6 Siya(A) ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.
7 Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;
8 kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.
9 Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.
11 Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.
12 Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,
‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’
13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,
14 na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.
15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.
16 Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001