Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 5

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.

Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
    pakinggan mo ang aking panaghoy.
Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
    hari ko at Diyos ko;
    sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
    sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.

Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
    ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
    kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
    ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
    dahil sa aking mga kaaway;
    tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.

Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
    ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
    sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
    sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
    sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.

11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
    hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
    upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
    na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.

Isaias 56:1-8

Ang Bayan ng Diyos ay Bubuuin

56 Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid;
sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating,
    at ang aking katuwiran ay mahahayag.

Mapalad ang taong gumagawa nito,
    at ang anak ng tao na nanghahawak dito;
na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan,
    at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan.”

Ang dayuhan na sumanib sa Panginoon ay huwag magsasabi,
    “Tiyak na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kanyang bayan”;
at huwag sasabihin ng eunuko,
    “Narito, ako'y punungkahoy na tuyo.”

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath,
    at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin,
    at nag-iingat ng aking tipan,
ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader,
    ang isang alaala at pangalan
    na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae;
bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan,
    na hindi maglalaho.

“At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon,
    upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon,
    at maging kanyang mga lingkod,
bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito,
    at nag-iingat ng aking tipan—
sila(A) ay dadalhin ko sa aking banal na bundok,
    at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan.
Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay
    ay tatanggapin sa aking dambana;
sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan
    para sa lahat ng mga bayan.
Gayon ang sabi ng Panginoong Diyos,
    na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel,
titipunin ko pa ang iba sa kanya
    bukod sa mga natipon na.”

Marcos 7:24-30

Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(A)

24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.

25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.

26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[a] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.

27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”

28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”

29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”

30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001