Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
Sinugo ng Diyos si Moises
7 Sinabi ng Panginoon, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa.
8 Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.
9 At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio.
10 Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel.”
11 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”
12 Kanyang sinabi, “Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito.”
13 Ngunit(A) sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagdating ko sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sasabihin nila sa akin, ‘Ano ang kanyang pangalan?’ Anong sasabihin ko sa kanila?”
14 Sinabi(B) ng Diyos kay Moises, “AKO AY ANG AKO NGA.” At kanyang sinabi, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.’”
15 Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ng Panginoon,[a] ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi.
Si Jesus at si Abraham
39 Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham.
41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita.
44 Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.
45 Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin.
46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
48 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan.
50 Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom.
51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’
53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos.
55 Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita.
56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.”
57 Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?”
58 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.”[a]
59 Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001