Revised Common Lectionary (Complementary)
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
8 Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato,
at ititik mo sa isang aklat,
upang sa darating na panahon
ay maging saksi magpakailanman.
9 Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan,
mga sinungaling na anak,
mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng Panginoon,
10 na nagsasabi sa mga tagakita, “Huwag kayong makakita ng pangitain;”
at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay,
magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay,
magpropesiya kayo ng mga haka-haka.
11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas,
huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel.”
12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
“Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito,
at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan,
at umasa sa mga iyon;
13 kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y
gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak,
na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap.
14 At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok,
na walang awang dinurog
na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon,
na maikukuha ng apoy mula sa apuyan,
o maisasalok ng tubig sa balon.”
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, ng Banal ng Israel,
“Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo;
sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas.”
Ngunit ayaw ninyo,
16 kundi inyong sinabi,
“Hindi! Kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo.”
Kaya kayo'y tatakas,
at, “Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo,”
kaya't ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabilis.
17 Isang libo ay tatakas sa banta ng isa,
sa banta ng lima ay tatakas kayo,
hanggang sa kayo'y maiwang parang isang tagdan ng watawat
sa tuktok ng bundok,
at gaya ng isang hudyat sa isang burol.
16 “Ang mga bagay na ito'y sinabi sa inyo upang kayo'y huwag matisod.
2 Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga. Talagang darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naghahandog siya ng paglilingkod sa Diyos.
3 At ang mga bagay na ito'y gagawin nila sapagkat hindi nila nakikilala ang Ama o ako man.
4 Subalit ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras ay inyong maalala na sinabihan ko kayo tungkol sa kanila. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat nang pasimula, sapagkat ako'y kasama ninyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001