Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
13 At(A) kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga,
at gigibain ang Asiria,
at ang Ninive ay sisirain,
at tutuyuing gaya ng ilang.
14 At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon,
lahat ng hayop ng mga bansa,
ang pelikano at gayundin ang kuwago
ay maninirahan sa kanyang mga kabisera,
ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana,
ang kasiraan ay darating sa mga pasukan;
sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira.
15 Ito ang masayang bayan na
naninirahang tiwasay,
na nagsasabi sa sarili,
“Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
Siya'y naging wasak,
naging dakong higaan para sa mababangis na hayop!
Bawat dumaraan sa kanya
ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay.
23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit.
24 Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
25 Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”
27 Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?”
28 Sinabi(A) ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel.
29 At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.
30 Ngunit(B) maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001