Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
Amen! Amen!
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)
10 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[a] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. 2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. 3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. 4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. 5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. 8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! 9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.
13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(A) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.
20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.