Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
Ipinagdiwang ang Paskuwa
13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.
14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.
15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.
16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.
17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.
18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,
19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”
20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.
21 At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.
Ang Ikalawang Pagdiriwang
22 Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.
24 Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.
25 At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.
26 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.
27 Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(A)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[a] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001