Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 90:12-17

12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Deuteronomio 5:1-21

Ang Sampung Utos(A)

Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,[a] hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:

“‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“‘Huwag(B) kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(C) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

11 “‘Huwag(D) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.

12 “‘Ilaan(E) mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim(F) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.

16 “‘Igalang(G) mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.

17 “‘Huwag(H) kang papatay.

18 “‘Huwag(I) kang mangangalunya.

19 “‘Huwag(J) kang magnanakaw.

20 “‘Huwag(K) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Huwag(L) mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’

Mga Hebreo 3:7-19

Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos

Kaya't(A) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,

“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
    huwag patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
    bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
    ‘Lagi silang lumalayo sa akin,
    ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
    ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”

12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito(B) nga ang sinasabi sa kasulatan,

“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

16 Sino(C) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.