Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 38:10-20

10 “Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay,
    ako ay papanaw!
Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak,
    upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.
11 At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh
    at sinumang nabubuhay sa lupa.
12 Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
    inalis na sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko'y pinuputol mo
    tulad ng tela sa isang tahian;
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
13 Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag,
parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan,
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
14 Tumataghoy ako dahil sa hirap,
parang isang kalapating nakakaawa.
Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas.
O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.
15 Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw,
ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog.

16 “O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo,
ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.
17 Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang.
Iyong iniligtas[a] ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay,
at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.
18 Ang(A) patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo,
o makakaasa sa iyong katapatan.
19 Mga buháy lamang ang makakapagpuri sa iyo,
tulad ng ginagawa ko ngayon,
at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan.
20 Si Yahweh ang magliligtas sa akin,
kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan.
Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay.”

Mga Hukom 15:9-20

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[a] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Mateo 17:14-21

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(A)

14 Pagbalik nila sa maraming tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”

17 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, nang sila-sila na lamang, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” 20 Sumagot(B) siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [21 Ngunit ang ganitong uri ng demonyo ay hindi mapapalayas kundi sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.