Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 61:1-4

Magandang Balita ng Kaligtasan

61 Ang Espiritu[a] (A) (B) ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang;
sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi,
upang pagalingin ang mga sugatang-puso,
upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Sinugo(C) niya ako upang ipahayag
na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh;
at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway;
sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion,
kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian,
awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan;
matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh,
na ginagawa kung ano ang makatuwiran,
at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Muli nilang itatayo ang mga sirang lunsod, na napakatagal nang wasak at tupok.

Isaias 61:8-11

Ang sabi ni Yahweh:
“Ako'y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko'y katarungan.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin para sa kanila.
Ang lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa,
ang mga anak nila'y sisikat sa gitna ng madla;
sinumang makakita sa kanila ay makikilalang
sila ang aking bayang pinagpala.”

10 Buong(A) puso akong nagagalak kay Yahweh.
Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak,
gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
11 Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim,
ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran
at papuri sa harap ng lahat ng bansa.

Mga Awit 126

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Lucas 1:46-55

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At(A) sinabi ni Maria,

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47     at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48     sapagkat(B) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49     dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(C) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
    at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(D) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
    kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”

1 Tesalonica 5:16-24

16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.

23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.

Juan 1:6-8

Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.

Juan 1:19-28

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(A)

19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”

21 “Sino(B) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”

“Hindi ako si Elias,” tugon niya.

“Ikaw ba ang Propeta?”

Sumagot siya, “Hindi rin.”

22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.

23 Sumagot(C) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,

    “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
    ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.