Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 104:24-34

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.

Mga Awit 104:35

35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Ezekiel 39:7-8

Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”

Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito.

Ezekiel 39:21-29

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”

25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Roma 8:26-27

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.