Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ang sabi ni Yahweh:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag
na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan,
ang mga nalabi sa Israel.
8 Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga;
titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay,
ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak;
sila'y babalik na talagang napakarami!
9 Uuwi silang nag-iiyakan habang daan,
nananalangin samantalang inaakay ko pabalik.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig,
pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa.
Sapagkat ang Israel ay aking anak,
at si Efraim ang aking panganay.”
10 “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
saganang trigo, bagong alak at langis,
at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
hindi na sila muling magkukulang.
13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. 4 Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 5 pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. 6 Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! 7 Tinubos(A) tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob 8 na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, 9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.
11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.
Ang Salita ng Buhay
1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Nasa kanya ang buhay,[a] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.
6 Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. 7 Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[b]
10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.
14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”
16 Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. 17 Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos[a] na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.