Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(A) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.
16 Sila(B) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.
19 Sa(C) may Bundok ng Sinai,[a] doon ay naghugis niyong gintong guya,
matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
Sa Dagat na Pula[b] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.
47 Iligtas(A) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”
Purihin si Yahweh!
9 Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babaliwalain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. 10 Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai:[a] ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’
11 “At(A) kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. 12 Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. 13 Ipinahayag(B) niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. 14 Noon,(C) iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo.
Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. 8 Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[a] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.
11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.