Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(A) siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
10 Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11 Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12 Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.
13 Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14 May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15 Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16 “Ito(A) ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17 Nalimutan(B) na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18 at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19 Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan(C) na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[a] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.
by