Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo.
16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.
18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[a] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Turo tungkol sa Paghihiganti(A)
38 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Huwag ninyong labanan ang masamang tao. Sa halip, kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. 40 At kung isinakdal ka sa hukuman ng sinuman at nakuha ang iyong damit, hayaan mong makuha rin niya ang iyong balabal. 41 At kung sapilitan kang palakarin ng sinuman ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag magdamot sa nanghihiram sa iyo.
Ang Pagmamahal sa Kaaway(B)
43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama gayundin sa mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid. 46 Sapagkat kung ang mamahalin ninyo ay iyon lamang nagmamahal sa inyo, ano'ng mapapala ninyo? Hindi ba't ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung sa mga kapatid lamang ninyo kayo bumabati, mayroon ba kayong ginagawang higit kaysa iba? Hindi ba't ganoon din ang ginagawa ng mga Hentil? 48 Kaya't dapat kayong maging ganap tulad ng inyong Amang nasa langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.