Revised Common Lectionary (Complementary)
Kautusan o Pananampalataya
3 Nasisiraan na kayo ng ulo, mga taga-Galacia! Sino ba ang gumayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo kung paanong ipinako si Cristo sa krus! 2 Sagutin nga ninyo ito: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagtupad ninyo sa mga hinihingi ng Kautusan, o sa pamamagitan ng pananampalataya sa narinig ninyong ebanghelyo? 3 Talaga bang nasisiraan na kayo ng ulo? Nagsimula kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa sariling pagsisikap? 4 Wala na bang halaga sa inyo ang mga pinaghirapan ninyo? Tiyak kong mayroon! 5 Ipinagkaloob ba ng Diyos sa inyo ang Espiritu at gumagawa ba siya ng mga himala sa gitna ninyo dahil sa mga gawa ninyo ayon sa Kautusan, o dahil sa pananampalataya ninyo sa inyong narinig? 6 Tingnan ninyo si Abraham! (A) “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya't siya'y itinuring na matuwid.”
7 Kaya't dapat ninyong maunawaan (B) na ang mga sumasampalataya ang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Sa simula pa ay ipinakita na ng kasulatan (C) na ituturing ng Diyos na matuwid ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Nang una pa man ay ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham nang sabihing, “Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.” 9 Sumampalataya si Abraham kaya't siya'y pinagpala. Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.