Revised Common Lectionary (Complementary)
Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya
15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” 16 Nalalaman (A) natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung tayo mismo na nagsisikap na maituring na matuwid dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo ay natagpuang makasalanan, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hindi ganyan! 18 Kung ang mga winasak ko'y muli kong itatayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako nga'y makasalanan. 19 Namatay na ako sa Kautusan sa pamamagitan na rin ng Kautusan, upang ako'y mabuhay para sa Diyos. 20 Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak[a] ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinawawalang halaga ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y ituturing na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, namatay si Cristo nang walang kabuluhan.
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isang Fariseo ang nag-anyaya kay Jesus na kumaing kasalo niya. Pagpasok niya sa bahay ng Fariseo ay umupo siya sa hapag. 37 Isang babaing makasalanan ang nakatira sa lungsod na iyon. At dahil alam nitong kumakain si Jesus doon sa bahay ng Fariseo ay nagdala ito ng pabango sa sisidlang alabastro. 38 Tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus, at unti-unting binasá ang mga paa nito ng kanyang luha. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok at pinaghahagkan ang mga paa ni Jesus at pinahiran iyon ng pabango. 39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung propeta nga ang taong ito, dapat ay alam niya kung sino at anong uring babae itong humahawak sa kanya sapagkat ito ay makasalanan.” 40 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” “Sige po Guro,” sagot ni Simon. 41 “May dalawang umutang sa isang tao. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo at ang isa naman ay limampu. 42 Nang hindi makabayad, kapwa sila pinatawad. Sino ngayon sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad nang mas malaki.” At sinabi niya rito, “Tama ang iyong pagkaunawa.” 44 Pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa. Ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang mga buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan, ngunit mula nang pumasok ako ay hindi pa siya humihinto nang kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang mga kasalanan ay pinatawad na; kaya naman nagmahal siya nang higit. Ngunit ang pinatawad nang kaunti ay magmamahal nang kaunti.” 48 Pagkatapos ay sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 49 Nagsimulang magtanong sa isa't isa ang mga kasalo niya, “Sino ba ang taong ito at nagpapatawad pa ng kasalanan?” 50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.”
Mga Babaing Kasama ni Jesus
8 Pagkatapos nito, nagtungo si Jesus sa bawat lungsod at nayon at sa mga lugar na iyon ay nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, 2 at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at karamdaman. Kabilang dito si Maria na kung tawagin ay Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas mula sa kanya. 3 Kasama rin si Juana na asawa ni Chuza na katiwala ni Herodes, si Susana at iba pang mga babaing nag-abot ng tulong sa kanila mula sa kanilang mga pag-aari.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.