Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

2 Samuel 14:12-24

12 “Isa pa pong kahilingan kung maaari, Kamahalan,” patuloy ng babae.

“Sabihin mo,” sagot ng hari. 13 At nagsalaysay ang babae. “Bakit po naman naisipan ninyong gawin ang ganoong kasamaan sa bayan ng Diyos? Sa inyo na rin pong bibig nanggaling ang hatol sa inyong Kamahalan sa hindi ninyo pagpapabalik sa inyong anak na inyong ipinatapon! 14 Mamamatay tayong lahat at matutulad sa tubig na matapos matapon ay hindi na mapupulot. Kung hindi man ibinabalik ng Diyos ang buhay ng isang patay, ginagawan naman niya ng paraang mabalik ang isang ipinatapon. 15 Sinabi ko po ito sa inyo dahil sa pagbabanta sa akin ng mga tao. Inisip ko pong kung ito'y ipagtapat ko sa inyo, maaaring dinggin ninyo ako at tulungan. 16 Kaya't maliligtas ako at ang aking anak sa mga nagtatangka sa aming buhay at naghahangad na angkinin ang lupaing ipinamana ng Diyos sa kanyang bayan. 17 Iniisip(A) ko rin po na ang salita ninyo ay makapagdudulot sa akin ng kapanatagan sapagkat tulad kayo ng anghel ng Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay. Sumainyo nawa si Yahweh na inyong Diyos!”

18 Sinabi ng hari, “Tatanungin kita. Magsabi ka ng totoo.”

“Opo, Kamahalan,” wika niya.

19 “May kinalaman ba si Joab sa ginagawa mong ito?” tanong ng hari.

“Mayroon nga po,” tugon niya. “Totoo pong ang lingkod ninyong si Joab ang nag-utos nito sa akin. Siya pong kumatha ng lahat ng sinasabi ko. 20 Ginawa po niya ito upang ipaalala sa inyo ang katayuan ng inyong anak. Ngunit kayo, Kamahalan, ay kasing talino ng anghel ng Diyos, at alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”

21 Dahil sa ginawang ito, tinawag ng hari si Joab at sinabi, “Pumapayag na akong pauwiin mo na rito si Absalom.”

22 Buong pagpapakumbabang nagpatirapa si Joab, at nang mabasbasan, sinabi niya, “Ngayon ko po natiyak ang kagandahang-loob ng inyong Kamahalan, sapagkat pinagbigyan ninyo ako sa aking kahilingan.” At siya'y nagpaalam. 23 Nagpunta agad si Joab sa Gesur at isinama sa Jerusalem si Absalom. 24 Ngunit hindi pinahintulutan ng hari na iharap sa kanya ito, kaya't doon na siya nagtuloy sa sariling tahanan.

Mga Gawa 26:1-11

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.”

Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili:

“Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan.

“Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Matagal(A) na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! Bakit(B) hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay?

“Akala(C) ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. 11 Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.