Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paglilingkod Tungo sa Pakikipagkasundo
11 Kaya't yamang nalalaman namin kung paano magkaroon ng takot sa Panginoon, sinisikap naming humikayat ng mga tao. Kung ano kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagmamalaking muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa nakikita at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Sapagkat kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa katinuan ng pag-iisip, ito ay para sa inyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami'y nakatitiyak na may isang namatay para sa lahat, kaya't ang lahat ay namatay. 15 At siya'y namatay para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.
16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pamantayan ng laman, bagaman noon ay nakilala namin si Cristo ayon sa pamantayan ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala sa kanya. 17 Kaya't ang sinumang nakipag-isa na kay Cristo ay isa nang bagong nilikha. Ang mga lumang bagay ay lumipas. Masdan ninyo, ang lahat ay naging bago.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.