Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18 Ipinalalagay kong hindi kayang ihambing ang pagtitiis sa kasalukuyang panahon sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin. 19 Masidhi ang pananabik ng sangnilikha sa inaasahang paghahayag ng Diyos sa kanyang mga anak. 20 Sapagkat (A) ang sangnilikha ay nasakop ng kabiguan, hindi dahil sa kanyang kagustuhan, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa pagkabulok at tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayon, ang buong sangnilikha ay dumaraing at naghihirap sa tindi ng kirot tulad ng babaing nanganganak. 23 At (B) hindi lamang ang sangnilikha, kundi pati tayo na mga tumanggap ng mga unang bunga ng Espiritu. Naghihirap din ang ating mga kalooban at dumaraing habang hinihintay ang ganap na pagkupkop sa atin bilang mga anak, ang paglaya ng ating katawan. 24 Iniligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi na matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sinong tao ang aasa pa sa bagay na nakikita na? 25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong pagtitiyaga.
26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, ngunit ang Espiritu mismo ang dumaraing[a] sa paraang hindi kayang bigkasin sa salita. 27 At ang Diyos na nakasisiyasat ng ating mga puso ang nakaaalam sa kaisipan ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. 28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat ang mga kinilala niya noong una pa man ay itinalaga rin niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid; at ang mga itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.