Revised Common Lectionary (Complementary)
HE.
33 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
at akin itong susundin ng buong puso ko.
35 Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
sapagkat aking kinaluluguran ito.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
at huwag sa pakinabang.
37 Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38 Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
na para sa mga natatakot sa iyo.
39 Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40 Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.
6 Nagsalita(A) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi:
2 “Kung ang sinuman ay magkasala at sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sangla, o sa pagnanakaw, o pangingikil sa kanyang kapwa,
3 o nakatagpo ng nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol doon, at sumumpa ng kasinungalingan tungkol sa alinman sa lahat ng ito na ginawa ng tao, at nagkasala;
4 kapag siya'y nagkasala at naunawaan na niya ang kanyang kasalanan, isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pangingikil, o ang habiling inihabilin sa kanya, o ang bagay na nawala na kanyang natagpuan,
5 o lahat ng bagay na kanyang sinumpaan ng kabulaanan. Isasauli niya itong buo at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyon sa kaninumang nagmamay-ari sa araw ng kanyang handog para sa budhing maysala.
6 Dadalhin niya sa pari ang kanyang handog para sa budhing maysala sa Panginoon, ang isang tupang lalaki na walang kapintasan na mula sa kawan, ayon sa iyong halagang itinakda para sa isang handog para sa budhing maysala.
7 Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon tungkol sa bagay na kanyang nagawa at napatunayang nagkasala; siya ay patatawarin.”
2 Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo.
3 At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan.
4 Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya.
5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.
6 Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001