Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 96:1-9

96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
    umawit sa Panginoon ang buong lupa.
Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
    ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
    ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
    siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
    nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.

Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
    ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
    magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
    manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!

1 Mga Hari 6:23-38

Dalawang Kerubin

23 Sa(A) panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.

24 Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.

25 Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.

26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.

27 Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.

28 At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.

Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan

29 Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.

30 At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

31 Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.

32 Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.

33 Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,

34 at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.

35 Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.

36 Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.

37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Panginoon.

38 Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon.

2 Corinto 5:11-17

Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo

11 Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi.

12 Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso.

13 Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo.

14 Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay.

15 Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.

16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.

17 Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001