Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Joel 1:1-14

Ipinagluksa ng Bayan ang Pagkawasak ng mga Pananim

Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel:

Pakinggan ninyo ito, O matatanda,
    pakinggan ninyo, kayong lahat na naninirahan sa lupain!
May nangyari na bang ganitong bagay sa inyong mga araw,
    o sa mga araw ng inyong mga ninuno?
Sabihin ninyo iyon sa inyong mga anak,
    at ng inyong mga anak sa kanilang mga anak,
    at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi.
Ang iniwan ng nagngangatngat na balang,
    ay kinain ng kuyog na balang.
Ang iniwan ng kuyog na balang
    ay kinain ng gumagapang na balang;
at ang iniwan ng gumagapang na balang
    ay kinain ng maninirang balang.

Gising, kayong mga maglalasing, at umiyak kayo;
    tumangis kayo, kayong lahat na manginginom ng alak,
dahil sa matamis na alak
    na inilayo sa inyong bibig.
Sapagkat(A) ang isang bansa ay sumalakay sa aking lupain,
    malakas at di mabilang,
ang kanyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon,
    at siya'y may mga pangil ng babaing leon.
Kanyang sinira ang aking puno ng ubas,
    at sinibak ang aking puno ng igos;
kanyang binalatan at inihagis,
    ang kanilang mga sanga ay pumuti.

Managhoy ka na parang birheng may bigkis ng damit-sako
    para sa asawa ng kanyang kabataan.
Ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay inalis sa bahay ng Panginoon.
Ang mga pari na mga lingkod ng Panginoon
    ay nagdadalamhati.
10 Ang mga bukid ay sira,
    ang lupain ay nagluluksa,
sapagkat ang trigo ay sira,
    ang bagong alak ay natuyo
    at ang langis ay kulang.

11 Mahiya kayo, O kayong mga magsasaka,
    tumangis kayong mga nag-aalaga ng ubasan,
dahil sa trigo at sebada;
    sapagkat ang ani sa bukid ay nasira.
12 Ang puno ng ubas ay natuyo,
    at ang puno ng igos ay nalalanta.
    Ang puno ng granada, ang puno ng palma at ang puno ng mansanas,
    at lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo;
sapagkat ang kagalakan ay nawala
    sa mga anak ng mga tao.

13 Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy,
    manangis, kayong mga lingkod sa dambana.
Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako,
    O mga lingkod ng aking Diyos!
Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin
    ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos.

14 Magtakda kayo ng pag-aayuno,
    tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang matatanda
    at ang lahat ng naninirahan sa lupain
sa bahay ng Panginoon ninyong Diyos,
    at dumaing kayo sa Panginoon.

1 Tesalonica 3:6-13

Ngunit(A) si Timoteo ay dumating na sa amin mula sa inyo, at nagdala sa amin ng magandang balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Sinabi rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at nananabik na makita kami na gaya naman namin na nananabik na makita kayo.

Dahil dito'y naaliw kami, mga kapatid, sa lahat ng aming kalungkutan at paghihirap sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.

Sapagkat ngayon ay nabubuhay kami, kung kayo'y maninindigang matibay sa Panginoon.

Sapagkat ano ngang pasasalamat ang aming maisasauli sa Diyos dahil sa inyo, dahil sa lahat ng kagalakan na aming nadarama dahil sa inyo sa harapan ng aming Diyos?

10 Gabi't araw ay masikap naming idinadalangin na makita namin kayo nang mukhaan at aming maibalik ang anumang kulang sa inyong pananampalataya.

11 Ngayo'y patnubayan nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Jesus ang aming paglalakbay patungo sa inyo.

12 At nawa'y palaguin at pasaganain kayo ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya naman namin sa inyo.

13 Patibayin nawa niya ang inyong mga puso sa kabanalan upang maging walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama, sa pagdating ng ating Panginoong Jesus na kasama ang lahat ng kanyang mga banal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001