Readings for Lent and Easter
11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.
Hinatulang Mamatay si Jesus(A)
13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa paratang na inililigaw niya ang mga taong bayan. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin ang taong ito. Wala siyang ginawang karapat-dapat para sa hatol na kamatayan. 16 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.” [17 Tuwing Pista ng Paskwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggong mapipili ng taong-bayan.][a]
18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lungsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Kaya't ipahahagupit ko siya at pagkatapos ay palalayain.”
23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Nanaig ang kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang hinihingi. 25 Ang taong hiningi nila, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ay pinalaya niya at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.