Readings for Lent and Easter
8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.