Readings for Lent and Easter
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)
39 Gaya ng kanyang nakaugalian, lumabas si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo; sumunod naman sa kanya ang mga alagad. 40 Pagdating doon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 At humiwalay siya sa kanila nang di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 “Ama,” wika niya, “kung mamarapatin mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, huwag ang aking kalooban kundi ang sa iyo ang masunod.” [ 43 At nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit na nagpalakas sa kanya.[a] 44 Sa tindi ng paghihirap, pinaigting pa niya ang pananalangin. At nagmistulang patak ng dugong tumutulo sa lupa ang kanyang pawis.] 45 Pagtayo niya sa pananalangin, naratnan niyang natutulog ang mga alagad dahil sa kalungkutan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Pagdakip kay Jesus(B)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Pinangungunahan ang mga ito ng taong tinatawag na Judas, isa sa Labindalawa. Lumapit ito kay Jesus upang siya'y hagkan. 48 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Judas, sa pamamagitan ba ng isang halik ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng Tao?” 49 Nang makita ng mga kasama niya ang nangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamit na ba kami ng tabak?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang lingkod ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang kanang tainga nito. 51 Subalit sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Pagkatapos, hinipo niya ang tainga ng lingkod at ito ay pinagaling. 52 At sinabi ni Jesus sa mga punong pari, mga pinuno ng bantay ng templo at mga matatandang pinuno ng bayan na nagsadya sa kanya, “Sumugod kayo ritong may dalang mga tabak at pamalo, ako ba ay tulisan? 53 Araw-araw ninyo akong kasama sa templo ngunit ako'y hindi ninyo hinuhuli. Subalit ito na ang oras ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(C)
54 Dinakip si Jesus, at dinala sa bahay ng Kataas-taasang Pari. Sa di-kalayuan naman ay sumunod si Pedro. 55 Ang mga tao ay nagpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at naupong magkakasama. Nakiupo ring kasama nila si Pedro. 56 Isang babaing lingkod ang nakakita sa kanya na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro at sinabi, “Kasamahan din niya ang taong ito!” 57 Subalit itinanggi ito ni Pedro at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala!” 58 Hindi nagtagal at mayroon muling nakakita sa kanya at nagsabi, “Isa ka rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi.” 59 Makalipas ang halos isang oras, iginigiit ng isa pa, “Tiyak na kasamahan niya ang lalaking ito sapagkat siya ay taga-Galilea rin.” 60 At sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” Hindi pa siya tapos sa pagsasalita nang biglang tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro; at naalala ni Pedro ang mga salita ng Panginoon nang sabihin nito sa kanya, “Sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.” 62 Kaya lumabas siya at umiyak nang buong kapaitan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.