Readings for Lent and Easter
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[a] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. 6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. 8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.