Readings for Lent and Easter
13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao, maging sa haring pinakamataas, 14 o sa mga gobernador na inatasan niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay inyong mapatahimik ang mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaang ito upang bigyang-katwiran ang pantakip sa paggawa ng masama, sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ninyo ang mga kapatid kay Cristo. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
Ang Halimbawa ng Pagdurusa ni Cristo
18 Mga alipin, buong galang kayong magpasakop sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi maging sa malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.
22 “Wala (A) siyang ginawang anumang kasalanan,
at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”
23 Nang (B) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (C) kanyang pagkamatay sa krus,[a] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.