Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 16-18

Ang mga Lupain na Ibinigay sa mga Lahi nina Efraim at Manase

16 Ang lupain na ibinigay sa mga lahi ni Jose ay nagsimula sa Ilog ng Jordan malapit sa Jerico, sa silangan ng mga bukal ng Jerico, papunta sa ilang at sa kabundukan hanggang sa Betel. Mula sa Betel (na siyang Luz),[a] dumaraan ito sa Atarot na kung saan nakatira ang mga Arkeo at pababa sa kanluran papunta sa lugar ng mga Jafleteo, hanggang sa hangganan ng mababang Bet Horon. At nagpatuloy ito sa Gezer hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang bahaging natanggap ng mga lahi nina Manase at Efraim na mga anak ni Jose.

Ito ang nasasakupan ng lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan: Ang hangganan nito sa silangan ay nagsisimula sa Atarot Adar papunta sa mataas na Bet Horon hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Micmetat, at paliko pasilangan sa Taanat Shilo, at dumaraan sa silangan ng Janoa. At mula sa Janoa ay pababa ito sa Atarot at Naara, at dumaraan sa Jerico papunta sa Ilog ng Jordan. Mula sa Tapua, ang hangganan ay papunta sa kanluran at dumaraan sa Lambak ng Kana, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang lupain na ibinigay sa lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. Kasama nito ang mga bayan at baryo na sakop sa lupain ni Manase. 10 Hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na nakatira sa Gezer; kaya may mga Cananeo na nakatira kasama ng mga taga-Efraim hanggang ngayon, pero ginawa silang mga alipin.

Ang Lupain ng Kalahating Lahi ni Manase

17 May ibinigay din na mga lupain para sa kalahating lahi ni Manase, na panganay na anak ni Jose. Ang Gilead at ang Bashan sa silangan ng Ilog ng Jordan ay ibinigay kay Makir dahil mabuti siyang sundalo. (Si Makir ang panganay ni Manase at ang ama ni Gilead.) Ang lupain sa kanluran ng Jordan ay ibinigay sa ibang mga lahi ni Manase: ang mga sambahayan nina Abiezer, Helek, Asriel, Shekem, Hefer at Shemida. Sila ang mga lalaking anak ni Manase, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.

Ngayon, may isang tao na ang pangalan ay si Zelofehad. Anak siya ni Hefer at apo ni Gilead. Si Gilead ay anak ni Makir, at si Makir ay anak ni Manase. Si Zelofehad ay walang anak na lalaki kundi mga babae lang. Silaʼy sina Mahlah, Noe, Hogla, Milka at Tirza. Pumunta sila kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno, at sinabi, “Nag-utos po ang Panginoon kay Moises na bigyan kami ng lupain gaya po ng mga kamag-anak naming lalaki.” Kaya binigyan sila ng bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Manase ay nakatanggap ng sampung bahagi ng lupain, hindi kasama ang Gilead at Bashan sa silangan ng Jordan, dahil binigyan din ng bahagi ang mga kalahing babae kagaya ng mga kalahi niyang lalaki. Ang Gilead ay ibinigay sa iba pang lahi ni Manase.

Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase ay nagmula sa Asher hanggang sa Micmetat, sa silangan ng Shekem papuntang timog sa lupain ng mga nakatira malapit sa bukal ng Tapua.[b] (Ang mga lupain sa paligid ng Tapua ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase, pero ang Tapua, na nasa hangganan ng lupain ni Manase ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim.) Tumuloy ito sa hangganan na papunta sa Lambak ng Kana. Sa timog ng lambak na ito ay may mga bayan na pagmamay-ari ng lahi ni Efraim, kahit na kasama ito sa mga bayan ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lahi ni Manase ay patuloy sa hilaga ng lambak hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 10 Ang lupain sa timog ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim at ang lupain sa hilaga ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo. Ang nasa hilaga ng lahi ni Manase ay ng lahi ni Asher, at ang nasa silangan ay ng lahi ni Isacar. 11 Ito ang mga bayan sa lupain ng lahi nina Isacar at Asher na ibinigay sa lahi ni Manase: ang Bet Shan, Ibleam, Dor (na tinatawag ding Nafat Dor), Endor, Taanac, Megido at ang mga bayan sa paligid nito. 12 Pero hindi naangkin ng mga lahi ni Manase ang mga bayan na ito dahil hindi nila mapaalis ang mga Cananeo roon. 13 Ngunit nang matatag na ang mga Israelita, inalipin nila ang mga Cananeo, pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.

14 Sinabi ng mga lahi ni Jose kay Josue, “Bakit isang bahagi lang ng lupain ang ibinigay mo sa amin? Napakarami namin dahil pinagpala talaga kami ng Panginoon.”

15 Sumagot si Josue, “Kung talagang marami kayo at maliit para sa inyo ang mga kabundukan ng Efraim, pumunta kayo sa mga kagubatan ng mga Perezeo at Refaimeo. Linisin nʼyo ang lugar na iyon para sa sarili ninyo.”

16 Sinabi ng mga lahi ni Jose, “Ang mga kabundukan ay maliit para sa amin. At hindi namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan dahil may mga karwahe silang bakal. At ganoon din ang mga Cananeo sa Bet Shan at sa mga bayan sa paligid nito at sa Lambak ng Jezreel.”

17 Sumagot si Josue, “Dahil napakarami nʼyo at makapangyarihan, hindi lang isa ang bahagi nʼyo, 18 magiging inyo rin ang mga kagubatan ng kabundukan. Kahit magubat ito, linisin na lang ninyo, dahil magiging inyo ito mula sa unahan hanggang sa dulo. At tiyak na maitataboy nʼyo ang mga Cananeo kahit makapangyarihan pa sila at may mga karwaheng bakal.”

Ang Pagkakahati-hati ng Iba pang Lupain

18 Nang matapos nilang sakupin ang lupain, nagtipon ang buong mamamayan ng Israelita sa Shilo, at nagtayo ng Toldang Tipanan. May pito pang lahi ng mga Israelita na hindi pa napapartihan ng lupa. Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Kailan nʼyo pa ba sasakupin ang natirang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nʼyo? Pumili kayo ng tatlong tao sa bawat lahi. Papupuntahin ko sila para suriin ang natirang lupain. Pagkatapos, babalik sila sa akin na may dalang mapa na ginawa nila na nagpapakita kung papaano hahatiin ang lupaing iyon. Dapat hatiin ang lupain sa pitong bahagi, hindi kasali ang lupain ng lahi ni Juda sa timog at ang lupain ng lahi ni Jose sa hilaga. Pagkatapos madala ang mapa sa akin, magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon na ating Dios, kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain. Pero ang mga Levita ay hindi papartihan ng lupa, dahil ang bahagi nila ay ang paglilingkod sa Panginoon bilang mga pari. Ang mga lahi nina Gad, Reuben, at ang kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng mga bahagi nilang lupain sa silangan ng Jordan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”

Nang papaalis na ang mga napiling tao, sinabi ni Josue sa kanila, “Suriin nʼyo ang buong lupain at gawan nʼyo ito ng mapa. Pagkatapos, bumalik kayo rito sa akin sa Shilo, dahil magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.” Kaya lumakad ang mga tao para suriin ang buong lupain. Pagkatapos, ginawan nila ito ng mapa, na ang lupaʼy nahati sa pitong bahagi, at inilista nila ang mga bayan at baryo na sakop ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 At pagkatapos magpalabunutan sa presensya ng Panginoon, binigyan ni Josue ng bahagi ang mga lahi ng Israel na walang lupain.

Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Benjamin

11 Ang unang bahagi ng lupain ay napunta sa lahi ni Benjamin. Nasa pagitan ito ng mga lupaing ibinigay noon sa lahi ni Juda at sa mga lahi ni Jose. 12 Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Ilog ng Jordan papunta sa hilagang libis ng Jerico. Pagkatapos, paahon ito sa kanluran sa mga kabundukan hanggang sa disyerto ng Bet Aven. 13 Mula roon, papunta ito sa libis na nasa bandang timog ng Luz (na siyang Betel). Pagkatapos, pababa ito sa Atarot Adar, sa bundok sa timog ng Mababang Bet Horon. 14 Mula roon, papunta ito sa kanluran ng bundok na nakaharap sa Bet Horon at papunta sa timog. Nagtapos ito sa Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim), isang bayan ng lahi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.

15 Ang hangganan sa timog ay magmumula sa hangganan ng Kiriat Jearim. Mula roon, papunta ito sa kanluran sa mga bukal ng Neftoa. 16 Pababa ito sa paanan ng bundok na nakaharap sa Lambak ng Ben Hinom. Ang lambak na ito ay nasa hilaga ng Lambak ng Refaim. Mula roon, papunta ito sa Lambak ng Hinom, sa timog na ng lungsod ng mga Jebuseo, pababa sa En Rogel. 17 Paliko agad ito pahilaga papuntang En Shemesh, hanggang sa Gelilot na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim. Pagkatapos, pababa ito sa Bato ni Bohan na anak ni Reuben 18 at dumaraan sa hilagang libis na nakaharap sa Lambak ng Jordan[c] pababa sa Lambak mismo. 19 Pagkatapos, papunta ito sa hilagang libis ng Bet Hogla, at nagtapos ito sa hilagang daanan ng tubig ng Dagat na Patay, na siyang hangganan ng Ilog ng Jordan sa timog. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan sa silangan.

Iyon ang mga hangganan ng lupaing natanggap ng lahi ni Benjamin ayon sa bawat sambahayan.

Ang mga Lungsod na Natanggap ng Lahi ni Benjamin

21 Ito ang mga lungsod na ibinigay sa lahi ni Benjamin na hinati ayon sa bawat sambahayan:

Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz, 22 Bet Araba, Zemaraim, Betel, 23 Avim, Para, Ofra, 24 Kefar Ammoni, Ofni at Geba – 12 bayan kasama ang mga baryo nito. 25 Dagdag pa rito ay ang Gibeon, Rama, Beerot, 26 Mizpa, Kefira, Moza, 27 Rekem, Irpeel, Tarala, 28 Zela, Haelef, Jebus (na siyang Jerusalem), Gibea at Kiriat Jearim[d] – 14 na bayan, kasama ang mga baryo nito.

Ito ang natanggap ng lahi ni Benjamin na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan.

Lucas 2:1-24

Ang Kapanganakan ni Jesus(A)

Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.

Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.

Nagpakita ang mga Anghel sa mga Pastol

Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, 10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo[a] na siyang Panginoon. 12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,

14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”

15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” 16 Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. 18 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. 20 Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.

Pinangalanang Jesus ang Sanggol

21 Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.

Inihandog si Jesus sa Templo

22 Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.”[b] 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®