Old/New Testament
9 Nang unang buwan ng ikalawang taon, mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 2 “Ipagdiriwang ng mga Israelita ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa nakatakdang panahon. 3 Simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng buwang ito, kailangang sundin ninyo ang lahat ng tuntunin tungkol sa pistang ito.”
4 Kaya sinabihan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel, 5 at sinunod nila ito roon sa disyerto ng Sinai nang lumubog ang araw nang ika-14 na araw ng unang buwan. Ginawa ito ng lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
6 Pero may iba sa kanila na hindi nakapagdiwang ng Pistang ito dahil nang araw na iyon, itinuturing silang marumi dahil nakahipo sila ng patay. Kaya nang mismong araw na iyon, pumunta sila kina Moises at Aaron 7 at sinabi nila, “Naging marumi kami dahil nakahipo kami ng patay, pero bakit ba hindi kami pinapayagan sa pagdiriwang ng pistang ito at sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon kasama ng ibang mga Israelita sa naitakdang panahon?” 8 Sumagot si Moises sa kanila, “Maghintay muna kayo hanggang sa malaman ko kung ano ang iuutos ng Panginoon sa akin tungkol sa inyo.”
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kahit sino sa kanila o sa kanilang mga lahi na naging marumi dahil sa paghipo ng patay o dahil bumiyahe siya sa malayo, makakapagdiwang pa rin siya ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Ipagdiriwang nila ito pagkalipas ng isang buwan, simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Kakain sila ng tupa kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapait na halaman. 12 Kailangang wala silang iiwanang pagkain kinaumagahan, at hindi rin nila babaliin ang mga buto ng tupa. Kung magdiriwang sila ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang sundin ang lahat ng mga tuntunin tungkol dito.
13 “Pero ang tao na hindi nagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit na itinuturing pa siyang malinis at hindi bumiyahe sa malayo, ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan, dahil hindi siya nag-alay ng handog para sa Panginoon sa nakatakdang panahon. Magdurusa siya sa kanyang kasalanan.
14 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang ipagdiwang niya ito ayon sa lahat ng mga tuntunin nito. Magkapareho lang ang mga tuntunin para sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan.”
Ang Ulap sa Toldang Tipanan(A)
15 Nang araw na ipinatayo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, natakpan ito ng ulap. Ang ulap na ito ay nagliliwanag na parang apoy mula gabi hanggang umaga. 16 Ganito palagi ang nangyayari – ang ulap ay bumabalot sa Toldang Tipanan kung araw at nagliliwanag naman ito na parang apoy kung gabi. 17 Kapag pumapaitaas na ang ulap, umaalis na rin ang mga Israelita at nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay, at kung saan tumitigil ang ulap, doon sila nagkakampo. 18 Kaya naglalakbay at nagkakampo ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. Hindi sila naglalakbay habang nasa ibabaw pa ng Tolda ang ulap. 19 Kahit magtagal ang ulap sa ibabaw ng Tolda, naghihintay lang sila sa utos ng Panginoon at hindi sila umaalis. 20 Kung minsan, mga ilang araw lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda, kaya nananatili rin doon ang mga tao ng ilang araw. Pagkatapos, aalis ulit sila ayon sa utos ng Panginoon. 21 Kung minsan namaʼy nananatili lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng isang gabi at pumapaitaas na ito kinaumagahan, at nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Araw man o gabi, naglalakbay ang mga Israelita sa tuwing pumapaitaas ang ulap. 22 Kung nananatili ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng dalawang araw o isang buwan o isang taon, ganoon din katagal nananatili ang mga Israelita sa kanilang kampo. 23 Kaya nagkakampo at naglalakbay ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. At sinunod nila ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang mga Trumpetang Pilak
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang pilak, at gamitin mo ito upang tipunin ang mga tao at ihanda sila sa paglalakbay. 3 Kapag pinatunog na nang sabay ang dalawang trumpeta, magtitipon ang buong mamamayan sa pintuan ng Toldang Tipanan. 4 Kapag isa lang ang pinatunog, ang mga pinuno lang ng bawat lahi ang magtitipon sa iyong harapan. 5 Kapag pinatunog ang trumpeta para ihanda ang mga tao sa paglalakbay, ang mga lahi sa silangang bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. 6 Kapag pinatunog ang trumpeta ng dalawang beses, ang lahi naman sa gawing timog na bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. Ang pagpapatunog na ito ang magiging hudyat ng kanilang paglakad. 7 Pero iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.
8 “Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.
9 “Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay aalalahanin kayo at ililigtas sa inyong mga kaaway. 10 At sa panahon ng inyong pagsasaya – sa inyong pagdiriwang ng pista, pati na ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] – patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Dios ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”
Umalis ang mga Israelita sa Sinai
11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, pumaitaas ang ulap mula sa Toldang Sambahan kung saan nakalagay ang Kasunduan. 12 Pagkatapos, umalis ang mga Israelita sa disyerto ng Sinai at nagpatuloy sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang ulap sa disyerto ng Paran. 13 Ito ang unang pagkakataon na naglakbay sila ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 14 Ang unang grupo na naglakbay dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Juda. Ang pinuno nila ay si Nashon na anak ni Aminadab. 15 Ang lahi ni Isacar ay pinamumunuan ni Netanel na anak ni Zuar, 16 at ang lahi ni Zebulun ay pinamumunuan ni Eliab na anak ni Helon.
17 Pagkatapos kalasin ang Toldang Sambahan, dinala ito ng mga angkan ni Gershon at ng mga angkan ni Merari, at sumunod sila sa paglalakad.
18 Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Reuben. Ang kanilang pinuno ay si Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lahi ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurishadai, 20 at ang lahi ni Gad ay pinamumunuan ni Eliasaf na anak ni Deuel.
21 At ang sumunod ay ang mga angkan ni Kohat na nagdadala ng mga banal na kagamitan ng Tolda. Kailangang naiayos na ang Tolda bago sila dumating sa susunod na lugar na kanilang pagkakampuhan.
22 Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Efraim. Ang kanilang pinuno ay si Elishama na anak ni Amihud. 23 Ang lahi ni Manase ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Padazur, 24 at ang lahi ni Benjamin na pinamumunuan ni Abidan na anak ni Gideoni.
25 Ang kahuli-hulihang lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Dan. Sila ang mga guwardya sa likod ng lahat ng mga grupo. Ang kanilang pinuno ay si Ahiezer na anak ni Amishadai. 26 Ang lahi ni Asher ay pinamumunuan ni Pagiel na anak ni Ocran, 27 at ang lahi ni Naftali ay pinamumunuan ni Ahira na anak ni Enan.
28 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglalakbay ng mga lahi ng Israel na magkakagrupo. 29 Ngayon, sinabi ni Moises kay Hobab na kanyang bayaw na anak ni Reuel na Midianita, “Maglalakbay na kami sa lugar na sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa amin. Kaya sumama ka sa amin at hindi ka namin pababayaan, dahil nangako ang Panginoon na pagpapalain niya ang Israel.” 30 Sumagot si Hobab, “Ayaw ko! Babalik ako sa aking bayan at sa aking mga kamag-anak.” 31 Sinabi ni Moises, “Kung maaari, huwag mo kaming iwan. Ikaw ang nakakaalam kung saan ang mabuting lugar sa disyerto na maaari naming pagkakampuhan. 32 Kung sasama ka sa amin, babahaginan ka namin ng lahat ng pagpapalang ibibigay sa amin ng Panginoon.”
33 Kaya umalis sila sa bundok ng Panginoon at naglakbay ng tatlong araw. Nasa unahan nila palagi ang Kahon ng Kasunduan para humanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan. 34 Kung araw, ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag naglalakbay sila. 35 Bawat panahon na dadalhin ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “O Panginoon, mauna po kayo at pangalatin po ninyo ang inyong mga kaaway. Sanaʼy magsitakas sila.” 36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “Panginoon, bumalik na po kayo rito sa libu-libong mamamayan ng Israel.”
Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises
11 Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises dahil sa hirap na kanilang dinaranas. Nang marinig ito ng Panginoon, nagalit siya at nagpadala siya ng apoy na sumunog sa ilang dulong bahagi ng kampo. 2 Dahil dito, humingi ng tulong ang mga Israelita kay Moises, at nanalangin si Moises sa Panginoon, at namatay ang apoy. 3 Kaya ang lugar na iyon ay pinangalanang Tabera,[b] dahil nagpadala ang Panginoon ng apoy sa kanila.
4 May mga grupo ng dayuhan na sumama sa mga Israelita na naghahanap ng mga pagkaing gusto nilang kainin, kaya nagreklamo pati ang mga Israelita na nagsasabi, “Kung makakakain man lang sana tayo ng karne. 5 Noong naroon tayo sa Egipto, nakakakain tayo ng mga libreng isda at ng mga pipino, melon, sibuyas at mga bawang. 6 Pero dito wala tayong ganang kumain;[c] puro ‘manna’ lang ang ating kinakain.”
7 Ang mga “manna” na ito ay parang mga buto na maliliit at mapuputi. 8-9 Pinupulot ito ng mga Israelita sa lupa tuwing umaga at ginigiling nila ito o binabayo sa lusong. Pagkatapos, niluluto nila ito sa banga at ginagawang manipis na tinapay. Ang lasa nito ay katulad ng tinapay na niluto sa langis ng olibo.
10 Narinig ni Moises ang reklamo ng bawat pamilya sa pintuan ng kanilang mga tolda. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila, at dahil ditoʼy nabahala si Moises. 11 Nagtanong siya sa Panginoon, “Bakit nʼyo po ako binigyan na inyong lingkod ng malaking problema? Ano po ba ang ginawa ko na hindi kayo natuwa kaya ibinigay ninyo sa akin ang problema ng mga taong ito? 12 Mga anak ko po ba sila? Ama ba nila ako? Bakit ninyo sinasabi sa akin na alagaan ko sila katulad ng isang yaya na kumakarga sa isang bata, at dalhin sila sa lupaing ipinangako ninyo sa kanilang mga ninuno? 13 Saan po ba ako kukuha ng karne para sa mga taong ito? Dahil patuloy ang pagrereklamo nila sa akin na bigyan ko sila ng karneng makakain nila. 14 Hindi ko po sila kayang alagaang lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin. 15 Kung ganito lang po ang pagtrato ninyo sa akin, patayin na lang ninyo ako ngayon. Kung nalulugod kayo sa akin, huwag ninyo akong pabayaang magdusa.”
16 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang 70 sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roon kasama mo. 17 Bababa ako at makikipag-usap sa iyo roon, at ibibigay ko sa kanila ang ibang kapangyarihan[d] na ibinigay ko sa iyo upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala.
18 “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[e] dahil bukas, may makakain na silang karne. Sabihin mo ito sa kanila: ‘Narinig ko ang inyong reklamo na gusto ninyong kumain ng karne. At sinasabi ninyo na mas mabuti pa ang inyong kalagayan sa Egipto. Kaya bukas, bibigyan ko kayo ng karne para makakain kayo. 19 Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito, 20 kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo[f] at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”
21 Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan? 22 Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”
24 Kaya lumakad si Moises at sinabi sa mga tao ang sinabi ng Panginoon. Tinipon niya ang 70 tagapamahala at pinatayo sa palibot ng Tolda. 25 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at nakipag-usap kay Moises. Kinuha niya ang ibang kapangyarihan[g] ni Moises at ibinigay sa 70 tagapamahala. At nang matanggap nila ito, nagsalita sila kagaya ng mga propeta pero hindi na ito nangyari pang muli.
26 Ang dalawa sa 70 tagapamahala na sina Eldad at Medad ay nagpaiwan sa kampo at hindi pumunta sa Tolda. Pero natanggap din nila ang kapangyarihan at nagsalita rin sila na kagaya ng mga propeta. 27 May isang binata na nagtatakbo papunta kay Moises at sinabi na nagsasalita sina Eldad at Medad doon sa kampo na kagaya ng mga propeta. 28 Sinabi ni Josue na anak ni Nun, na naging katulong ni Moises mula noong bata pa ito, “Amo, patigilin po ninyo sila.” 29 Pero sumagot si Moises, “Nababahala ka ba kung ano ang magiging resulta nito sa aking pagkapinuno? Kung sa akin lang, gusto kong bigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang lahat ng mamamayan at makapagsalita sila kagaya ng mga propeta.” 30 Pagkatapos, bumalik sa kampo si Moises at ang mga tagapamahala ng Israel.
31 Ngayon, nagpadala ang Panginoon ng hangin na nagdala ng mga pugo mula sa dagat. Lumipad-lipad sila sa palibot ng kampo at ibinagsak sa lupa; mga tatlong talampakan ang taas ng bunton nito at mga ilang kilometro ang lawak ng ibinunton na mga pugo. 32 Kaya nang araw na iyon at nang sumunod pang araw, nanghuli ang mga tao ng mga pugo araw at gabi. Walang nakakuha nang bababa pa sa 30 sako at ibinilad nila ito sa palibot ng kampo. 33 Pero habang nginunguya pa nila ang karne at hindi pa nalululon ito, nagalit ang Panginoon sa kanila, at pinadalhan sila ng salot. 34 Kaya tinawag ang lugar na iyon na Kibrot Hataava[h] dahil doon inilibing ang mga taong matatakaw sa karne. 35 Mula roon, naglakbay ang mga Israelita sa Hazerot, at doon nagkampo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
5 Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3 at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4 Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5 Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.
6 Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,[b] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®