Old/New Testament
Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Tupa at Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, muli akong nagkaroon ng pangitain. 2 Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa napapaderang lungsod ng Susa sa lalawigan ng Elam. 3 May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo. 4 Nakita kong nanunuwag ito kahit saan mang lugar. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya.
5 Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata. 6 Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. 7 Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya. 8 Naging makapangyarihan pa ang kambing. Pero nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo.
9 Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel. 10 Lalo pa siyang naging makapangyarihan hanggang sa kalangitan, at pinabagsak niya sa lupa ang ilang mga nilalang sa langit at mga bituin, at tinapak-tapakan niya ang mga iyon. 11 Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Dios, at nilapastangan niya ang templo. 12 Sa ginawa niyang iyon, ipinasakop sa kanya ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.
13 Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan para pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?” 14 Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon,[a] at pagkatapos ay lilinisin ang templo.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain
15 Habang nakatingin ako sa pangitaing iyon at nag-iisip kung ano ang kahulugan noon, biglang tumayo sa harap ko ang parang tao. 16 Pagkatapos, may narinig akong tinig ng tao mula sa Ilog ng Ulai na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang kahulugan ng pangitain.”
17 Nang lumapit si Gabriel sa akin, nagpatirapa ako sa takot. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, dapat mong maintindihan na ang iyong pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.” 18 Habang nakikipag-usap siya sa akin, nawalan ako ng malay at napadapa sa lupa. Pero hinawakan niya ako at ibinangon. 19 Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Dios ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon. 20 Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia. 21 Ang kambing naman ay ang kaharian ng Grecia, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Grecia nang magkahati-hati ito. Pero ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.
23 “Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang kasamaan, maghahari ang isang malupit at tusong hari. 24 Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya.[b] Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Dios. 25 Dahil sa kanyang kakayahan, magtatagumpay siya sa kanyang pandaraya. Ipagmamalaki niya ang kanyang sarili, at maraming tao ang kanyang papatayin ng walang anumang babala. Lalabanan niya pati ang Pinuno ng mga pinuno. Pero lilipulin siya hindi sa kapangyarihan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Dios.
26 “Ang pangitaing nakita mo tungkol sa pagpapatigil ng pang-umaga at panghapon[c] na paghahandog ay totoo. Pero huwag mo munang ihayag ito dahil matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Pagkatapos noon, akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Nang gumaling ako, bumalik ako sa trabaho na ibinigay sa akin ng hari. Pero patuloy ko pa ring iniisip ang pangitaing iyon na hindi ko lubos na maunawaan.
Nanalangin si Daniel para sa mga Israelita
9 1-2 Si Darius na taga-Media na anak ni Ahasuerus[d] ang hari noon sa buong Babilonia. Noong unang taon ng paghahari niya, nalaman ko sa mga Kasulatan na mananatiling giba ang Jerusalem sa loob ng 70 taon, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias. 3 Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Dios at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.[e] 4 Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:
“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5 Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin. 6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7 “Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo. 8 Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo. 9 Pero maawain pa rin kayo, Panginoon naming Dios, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo. 10 Hindi kami sumunod sa inyo dahil hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang lahat ng Israelita ay sumuway sa inyong Kautusan; ayaw nilang sundin ang mga sinabi ninyo. At dahil sa aming pagkakasala, dumating sa amin ang sumpa na nakasulat sa Kautusan ni Moises na inyong lingkod. 12 Tinupad po ninyo ang inyong sinabi laban sa amin at sa aming mga pinuno na kami ay inyong parurusahan nang matindi. Kaya ang nangyari sa Jerusalem ay walang katulad sa buong mundo. 13 Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Pero sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan. 14 Kaya handa kayong parusahan kami; at ginawa nʼyo nga dahil palagi kayong tama sa inyong mga ginagawa. Pero hindi pa rin kami sumunod sa inyo.
15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal[f] na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.
17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong[g] nagiba at napabayaan. 18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain
20 Patuloy akong nananalangin at sinasabi ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Dios alang-alang sa kanyang banal na bundok. 21 At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.[h] 22 Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. 23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Dios, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Dios. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.
24 “490 taon[i] ang itinakda ng Dios sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo para tigilan nila ang pagrerebelde sa Dios, para mapatawad ang kanilang kasalanan, para mapairal ng Dios ang walang hanggang katuwiran, para matupad ang pangitain at propesiya, at para maihandog na muli ang templo sa Dios.
25 “Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Dios ay lilipas muna ang 49 na taon.[j] At sa loob ng 434 na taon[k] ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon. 26 Pagkatapos ng 434 na taon,[l] papatayin ang pinunong hinirang ng Dios at walang tutulong sa kanya.[m] Darating ang isang hari at sisirain ng mga tauhan niya ang bayan at ang templo. At ayon sa itinakda ng Dios, ang pagwasak at digmaan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan. Ang katapusan ay darating na parang baha. 27 Ang haring iyon ay gagawa ng matibay na kasunduan sa napakaraming tao sa loob ng pitong taon. Pero pagkatapos ng tatlong taon at kalahati, patitigilin niya ang mga paghahandog at ilalagay niya ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pagpapabaya sa templo. Mananatili ito roon hanggang sa dumating ang katapusan ng hari na itinakda ng Dios.”
Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog ng Tigris
10 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, may ipinahayag na mensahe kay Daniel na tinatawag ding Belteshazar. Totoo ang pahayag at tungkol ito sa malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang pahayag dahil ipinaliwanag ito sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. 2 Ganito ang nangyari ayon kay Daniel:
Nang panahong iyon, tatlong linggo akong nagdalamhati. 3 Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni tumikim ng karne o uminom ng alak, at hindi rin ako nagpabango ng katawan sa loob ng tatlong linggo.
4 Nang ika-24 na araw ng unang buwan, nakatayo ako sa tabi ng malawak na Ilog ng Tigris. 5 May nakita ako doon na parang tao na nakadamit ng telang linen at may tali sa baywang na puro ginto. 6 Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.
7 Ako lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot. 8 Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas. 9 Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa. 10 Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Dios. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Dios dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo. 12 Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Dios at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako para dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin. 13 Pero hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng 21 araw ay hinadlangan ako ng pinuno[n] ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Micael na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia. 14 Narito ako ngayon para ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”
15 Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita. 16 Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko. 17 Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”
18 Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy nʼyo po ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.” 20 Sumagot siya, “Kinakailangang bumalik ako sa pakikipaglaban sa pinuno ng Persia. Pagkatapos, darating naman ang pinuno[o] ng Grecia. Pero alam mo ba kung bakit ako pumarito sa iyo? 21 Naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan. Sa aking pakikipaglaban, walang ibang tumulong sa akin kundi si Micael lamang, ang pinuno[p] ng Israel.
1-2 Mula sa namumuno sa iglesya.
Mahal na kaibigang Gaius, na lubos kong minamahal[a]:
Idinadalangin ko na maging malusog ka at sanaʼy nasa mabuting kalagayan, tulad ng buhay mong espiritwal na alam kong nasa mabuti ring kalagayan. 3 Labis akong natuwa nang dumating dito ang ilang mga kapatid at ibinalita sa akin na naging tapat ka sa katotohanan at namumuhay ayon dito. 4 Wala ng higit na makakapagpasaya sa akin kundi ang malamang namumuhay ayon sa katotohanan ang mga anak ko sa pananampalataya.
5 Mahal kong kaibigan, maaasahan ka talaga, dahil inaasikaso mo ang mga kapatid na napapadaan diyan, kahit na ang mga hindi mo kakilala. 6 Ibinalita nila sa iglesya rito ang tungkol sa pag-ibig mo. Kung maaari, tulungan mo sila sa paraang kalugod-lugod sa Dios upang makapagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay. 7 Sapagkat pumupunta sila sa ibaʼt ibang lugar upang ipangaral ang tungkol sa Panginoon, nang hindi tumatanggap ng kahit anong tulong sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. 8 Kaya dapat lang na tulungan natin sila, nang sa ganoon ay maging kabahagi tayo sa kanilang gawain para sa katotohanan.
9 Sumulat ako sa iglesya riyan tungkol sa bagay na ito, ngunit hindi kami kinilala ni Diotrefes na gustong manguna sa inyo. 10 Kaya kapag pumunta ako riyan, sasabihin ko sa inyo ang mga pinaggagawa niya – ang mga paninirang ikinakalat niya tungkol sa amin. Bukod pa rito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid na dumaraan diyan, at pinagbabawalan pa niya ang iba na tumulong sa kanila. At ang mga gusto namang tumulong ay pinapaalis niya sa iglesya.
11 Mahal kong kaibigan, huwag mong gayahin ang masamang ginagawa ng taong iyan. Sa halip, gawin mo ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios, at ang gumagawa ng masama ay hindi nakakakilala sa Dios. 12 Tingnan mo si Demetrius. Sinasabi ng lahat ng mga mananampalataya na mabuti siyang tao, at nakikita sa buhay niya na sumusunod siya sa katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo na mabuti siyang tao, at alam mong totoo ang sinasabi namin. 13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit hindi ko na isusulat. 14 Umaasa ako na madadalaw kita sa lalong madaling panahon at mapag-usapan natin ito.
15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng mga kaibigan natin dito. Ikumusta mo rin ako sa bawat isang kaibigan natin diyan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®