Old/New Testament
Mamamatay ang Nagkasala
18 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’
3 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel. 4 Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay. 5 Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama. 6 Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw. 7 Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit. 8 Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol. 9 Sinusunod niyang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. Ang taong ganito ay matuwid at patuloy na mabubuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
10 “Pero kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain 11 na hindi ginawa ng kanyang ama: Kumakain siya ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa bundok at sumisiping sa asawa ng iba. 12 Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan. Nagnanakaw at hindi isinasauli ang isinangla ng mga nangutang sa kanya. Sumasamba sa mga dios-diosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, 13 at nagpapatubo sa mga may utang sa kanya. Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.
14 “Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya, 15 hindi siya sumamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa bundok, hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa, 16 hindi siya nang-aapi at hindi niya inaangkin ang mga garantiya ng mga umutang sa kanya, hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit, 17 hindi siya gumagawa ng masama at hindi nagpapatubo sa may utang sa kanya, tinutupad niya ang mga utos koʼt mga tuntunin, ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay. 18 Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.
19 “Pero maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay. 20 Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.
21 “Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay. 22 Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay. 23 Ako, ang Panginoong Dios ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.
24 “Pero kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.
25 “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama? 26 Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan. 27 Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya. 28 Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay. 29 Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?”
30 “Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios, ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan para hindi kayo mapahamak. 31 Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay. 32 Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay! Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Panaghoy para sa mga Pinuno ng Israel
19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Awitin mo ang panaghoy na ito para sa mga pinuno ng Israel:
2 “Ang iyong ina ay parang isang leon na inaalagaan ang mga anak niya kasama ng iba pang mga leon. 3 Inalagaan niya ang isa sa mga anak niya, lumaki ito at naging malakas na leon. Natuto itong manghuli at manlapa ng mga tao. 4 Nang mabalitaan ito ng ibang bansa, hinuli nila ito at dinala sa Egipto na nakakadena.
5 “Nang malaman ng ina ng leon na bigo ang pangarap niya para sa kanyang anak, pinalaki niya uli ang isa pang anak at naging malakas na leon din ito. 6 Sumama ito sa iba pang mga leon at natutong manghuli at kumain ng tao. 7 Giniba niya ang mga kampo ng kanyang mga kaaway at winasak ang kanilang mga bayan. Natatakot ang mga mamamayan kapag naririnig ang atungal niya.
8 “Kaya nagkaisa ang mga bansa para labanan at palibutan siya. Inilabas nila ang kanilang mga lambat at hinuli siya, 9 ikinulong na nakakadena sa isang kulungan at dinala sa hari ng Babilonia. Ikinulong nila ito upang hindi na marinig ang pag-atungal nito sa kabundukan ng Israel.
10 “Ang iyong ina ay tulad ng isang ubas na itinanim sa tabi ng tubig. Nagkaroon ito ng maraming sanga at bunga dahil sagana sa tubig. 11 Matitibay ang sanga nito at maaaring gawing setro ng hari. Mas tumaas pa ang ubas na ito kaysa sa ibang halaman. Kitang-kita ito dahil mataas at maraming sanga. 12 Pero dahil sa galit, binunot ito at itinapon sa lupa. Ang mga bunga nitoʼy natuyo dahil sa mainit na hangin mula sa silangan. Natuyo rin ang matatayog na sanga, nalaglag at pagkatapos ay nasunog 13 Ngayon, muli itong itinanim sa ilang, sa lugar na tuyo at walang tubig. 14 Isa sa mga sanga nitoʼy nasunog at kumalat ang apoy sa iba pang mga sanga at tinupok ang mga bunga nito. Kaya wala nang natirang sanga na maaaring gawing setro ng hari. Ang panaghoy na itoʼy dapat awitin ngayon.”
Huwag Ibigin ang Mundo
4 Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? 2 May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. 3 At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan. 4 Kayong mga hindi tapat sa Dios, hindi nʼyo ba alam na kaaway ng Dios ang umiibig sa mundo? Kaya ang sinumang nagnanais makipagkaibigan sa mundo ay ginagawa niyang kaaway ng Dios ang sarili niya. 5 Huwag ninyong isipin na walang kabuluhan ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Espiritung pinatira sa atin na may kaagaw sa pag-ibig niya.”[a] 6 Ngunit sapat ang biyayang ibinigay ng Dios. Kaya nga sinasabi sa Kasulatan, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan niya ang mapagpakumbaba.”[b]
7 Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso. 9 Maging malungkot kayo at maghinagpis dahil sa mga kasalanan nʼyo. Palitan nʼyo ng pagdadalamhati ang pagsasaya ninyo. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo.
Paalala sa Paghuhusga sa Kapwa
11 Mga kapatid, huwag ninyong siraan ang isaʼt isa. Ang naninira o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. At kung ikaw ang humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad nito kundi isa nang hukom. 12 Ngunit ang Dios lang ang nagbigay ng Kautusan at siya lamang ang hukom. Tanging siya ang may kakayahang magligtas at magparusa.[c] Kaya sino ka para husgahan ang kapwa mo?
Paalala sa Pagmamalaki
13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon ng isang taon, magnenegosyo, at kikita ng malaki.” 14 Sa katunayan, hindi nʼyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos. 15 Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin.” 16 Ngunit sa ngayon, nagmamalaki at nagmamayabang kayo. Ang ganyang pagyayabang ay masama.
17 Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®