Old/New Testament
Ang Mensahe tungkol sa Tyre at Sidon
23 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Tyre:
Umiyak kayong mga pasahero ng mga barko ng Tarshish. Sapagkat nawasak na ang inyong daungan sa Tyre. Sinabi na iyon sa inyo ng mga nanggaling sa Cyprus.[a] 2 Tumahimik kayong mga naninirahan sa tabing-dagat pati na kayong mga mangangalakal ng Sidon. Ang inyong mga biyahero na nagpayaman sa inyo ay bumibiyahe 3 sa mga karagatan para bumili at magbenta ng mga ani mula sa Shihor na bahagi ng Ilog ng Nilo. At nakikipagkalakalan sa inyo ang mga bansa. 4 Mahiya ka, lungsod ng Sidon, ikaw na kanlungan ng mga taong nakatira sa tabing-dagat. Itinatakwil ka na ng karagatan. Sinabi niya, “Wala na akong anak; wala akong inalagaang anak, babae man o lalaki.”
5 Labis na magdaramdam ang mga taga-Egipto kapag nabalitaan nila ang nangyari sa Tyre. 6 Umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa tabing-dagat. Tumawid kayo sa Tarshish. 7 Noon, masaya ang lungsod ng Tyre na itinayo noong unang panahon. Nakaabot ang mga mamamayan nito sa malalayong lupain at sinakop nila ang mga lupaing iyon. Pero ano ang nangyari sa kanya ngayon? 8 Sino ang nagplano ng ganito sa Tyre? Ang lungsod na ito ay sumakop ng mga lugar. Ang mararangal na mangangalakal nito ay tanyag sa buong mundo. 9 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagplano nito para ibagsak ang nagmamalaki ng kanyang kapangyarihan at ang mga kinikilalang tanyag sa mundo. 10 Kayong mga taga-Tarshish ay malayang dumaan sa Tyre, katulad ng Ilog ng Nilo na malayang dumadaloy, dahil wala nang pipigil sa inyo. 11 Iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa dagat, at niyanig niya ang mga kaharian. Iniutos niyang wasakin ang mga kampo ng Fenicia[b] 12 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan[c] ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw ninyo. Wasak na kayo! Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus, hindi pa rin kayo magkakaroon ng kapahingahan doon.”
13 Tingnan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia.[d] Nasaan na ang mga mamamayan nito? Sinalakay ito ng Asiria at winasak ang matitibay na bahagi nito. Pinabayaan itong giba at naging tirahan ng maiilap na hayop. 14 Umiyak kayo, kayong mga nagbibiyahe sa Tarshish, dahil nawasak na ang lungsod na pinupuntahan ninyo. 15 Ang Tyre ay makakalimutan sa loob ng 70 taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Pero pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito: “Babaeng bayaran, ikaw ay nalimutan na. 16 Kaya kunin mo ang iyong alpa at tugtugin mong mabuti habang nililibot mo ang lungsod. Umawit ka nang umawit para maalala ka.”
17 Pagkatapos ng 70 taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tyre. Pero muling gagawin ng Tyre ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo para magkapera. 18 Pero sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para pambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon.
Parurusahan ng Dios ang Mundo
24 Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo[e] hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito. 2 Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang. 3 Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon. 4 Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao. 5 Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila. 6 Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira. 7 Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot, 8 at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang. 9 Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait. 10 Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok. 11 Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo. 12 Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito. 13 Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan. 14 Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon. 15 Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat[f] ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 16 Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”
Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil. 17 Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag. 18 Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.
Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa. 19 Bibitak ang lupa at mabibiyak. 20 At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.
21 Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit,[g] pati ang mga hari rito sa mundo. 22 Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan. 23 Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.
Purihin ang Dios
25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. 2 Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. 3 Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. 4 Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, 5 at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.
6 Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. 7 At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[h] ng mga tao sa lahat ng bansa. 8 Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9 Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”
10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Cristo
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.
27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®