Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 32-34

Ang mga Lahi sa Silangan ng Ilog ng Jordan(A)

32 Napakaraming hayop ng mga lahi nina Reuben at Gad. Kaya nang makita nila na masagana ang lupain ng Jazer at Gilead para sa mga hayop nagpunta sila kina Moises, Eleazar at sa mga pinuno ng mamamayan ng Israel at sinabi, “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Heshbon, Eleale, Sebam, Nebo at Beon – ang mga lugar na sinakop ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita – ay mabuting lugar para sa mga hayop at kami na mga alagad ninyo ay napakaraming hayop. Kaya kung nalulugod kayo sa amin, ibigay ninyo ang mga lupaing ito sa amin, bilang bahagi namin at huwag na ninyo kaming dalhin sa kabila ng Ilog ng Jordan.”

Sinabi ni Moises sa mga lahi nina Gad at Reuben, “Ano ang ibig ninyong sabihin, magpapaiwan na lang kayo rito habang ang mga kapwa ninyo Israelita ay pupunta sa labanan? Pahihinain lang ninyo ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila. Ganito rin ang ginawa noon ng inyong mga ninuno nang ipinadala ko sila mula sa Kadesh Barnea para tingnan ang lupaing ito. Nang makarating sila sa Lambak ng Eshcol, at nakita nila ang lupain, pinahina nila ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila. 10 Matindi ang galit ng Panginoon nang araw na iyon at sumumpa siya: 11 ‘Dahil sa hindi sila sumunod sa akin nang buong puso nila, wala ni isa man sa kanila na 20 taong gulang pataas na nagmula sa Egipto, ang makakakita ng lupaing ipinangako ko kay Abraham, Isaac, at Jacob, 12 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo at kay Josue na anak ni Nun, dahil sumunod sila sa akin nang buong puso nila.’ 13 Nagalit nang matindi ang Panginoon sa mga Israelita, kaya pinaikot-ikot niya sila sa ilang sa loob ng 40 taon hanggang sa nangamatay ang buong henerasyon na gumawa ng masama sa kanyang paningin.

14 “At ngayon, kayo namang lahi ng mga makasalanan ang pumalit sa inyong mga ninuno at dinagdagan pa ninyo ang galit ng Panginoon sa mga Israelita. 15 Kung hindi kayo susunod sa Panginoon, pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”

16 Pero lumapit pa sila kay Moises at sinabi, “Gagawa na lang po kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop at mga lungsod para sa aming mga kababaihan at anak. 17 Pero handa po kaming pangunahan ang aming mga kapwa Israelita sa pakikipaglaban hanggang sa madala namin sila sa kanilang mga lugar. Habang nakikipaglaban kami, dito po maninirahan ang aming mga anak sa napapaderang lungsod na aming ipapatayo para maging ligtas sila sa mga naninirahan sa lupaing ito. 18 Hindi po kami uuwi hanggang sa matanggap ng lahat ng mga Israelita ang lupaing kanilang mamanahin. 19 Pero ayaw naming makatanggap ng lupa kasama nila sa kabila ng Jordan. Mas gusto po namin dito sa bandang silangan ng Jordan dahil nakakuha na kami ng parte namin dito sa silangan ng Jordan.”

20 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kung talagang gagawin ninyo yan, na handa kayo sa pakikipaglaban kasama ang Panginoon, 21 at tatawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Jordan hanggang sa maitaboy ng Panginoon ang kanyang mga kaaway 22 at maangkin ang lupa, maaari na kayong makabalik dito dahil natupad na ninyo ang inyong tungkulin sa Panginoon at sa kapwa ninyo Israelita. At magiging inyo na ang lupaing ito sa harapan ng Panginoon.

23 “Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan. 24 Sige, magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga asawaʼt anak at gumawa ng mga kulungan para sa inyong mga hayop, pero dapat ninyong tuparin ang inyong ipinangako.”

25 Sumagot ang mga lahi nina Gad at Reuben kay Moises, “Susundin namin ang inyong mga utos. 26 Maiiwan dito sa mga lungsod ng Gilead ang aming mga asawa, mga anak at mga hayop. 27 Pero kami na iyong mga lingkod na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para makipaglaban ayon sa utos mo sa amin.”

28 Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel. 29 Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Reuben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumama sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila. 30 Pero kung hindi sila tatawid kasama ninyo dapat silang tumanggap ng lupa kasama ninyo, roon sa lupain ng Canaan.”

31 Sinabi ng mga lahi nina Gad at Reuben, “Susundin namin kung ano ang sinabi ng Panginoon. 32 Tatawid kami sa Jordan sa presensya ng Panginoon, pero ang mamanahin naming lupain ay ang nasa silangan sa tabi ng Jordan.”

33 Kaya ibinigay ni Moises sa mga lahi nina Gad, Reuben at sa kalahati ng lahi ni Manase na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ang kaharian ni Haring Og ng Bashan – ang buong lupain pati na ang lungsod at mga teritoryo sa palibot nito.

34 Itinayong muli ng lahi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atrot Shofan, Jazer, Jogbeha, 36 Bet Nimra at Bet Haran. Ang mga lungsod na ito ay pinalibutan nila ng pader. Gumawa rin sila ng mga kulungan para sa kanilang mga hayop. 37 At itinayong muli ng mga lahi ni Reuben ang Heshbon, Eleale, Kiriataim 38 pati ang mga lugar na tinatawag noon na Nebo at Baal Meon at ang Sibma. Pinalitan nila ang mga pangalan ng mga lungsod na muli nilang itinayo.

39 Sinalakay ng mga angkan ni Makir na anak ni Manase ang Gilead at naagaw nila ito, at itinaboy nila ang mga Amoreo na naninirahan doon. 40 Kaya ibinigay ni Moises ang Gilead sa mga angkan ni Makir, na lahi rin ni Manase at doon sila nanirahan. 41 Naagaw ni Jair na mula rin sa lahi ni Manase, ang mga baryo sa Gilead at tinawag niya itong, “Mga Bayan ni Jair”. 42 Naagaw ni Noba ang Kenat at ang mga baryo sa palibot nito at tinawag niya itong, “Noba” ayon sa pangalan niya.

Ang mga Lugar na Dinaanan ng mga Israelita mula Egipto Papuntang Moab

33 Ito ang mga lugar na dinaanan ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto na nakagrupo ang bawat lahi sa ilalim ng pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ng Panginoon, inilista ni Moises ang kanilang dinaanan na mga lugar mula sa kanilang pinanggalingan. Umalis sila sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Umalis silang may lakas ng loob, habang nakatingin ang mga Egipcio na naglilibing ng lahat ng panganay nilang lalaki na pinatay ng Panginoon dahil hinatulan sila ng Panginoon sa kanilang pagsamba sa mga dios-diosan nila.

Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot.

Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, na tabi ng disyerto.

Mula sa Etam, nagbalik sila papunta sa Pi Harirot na nasa silangan ng Baal Zefon, at nagkampo malapit sa Migdol.

Mula sa Pi Harirot, tumawid sila sa dagat at pumunta sa disyerto. Naglakbay sila sa loob ng tatlong araw sa disyerto ng Etam at nagkampo sila sa Mara. Mula sa Mara, nagkampo sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma.

10 Mula sa Elim nagkampo sila sa tabi ng Dagat na Pula. 11 Mula sa Dagat na Pula nagkampo sila sa ilang ng Sin.

12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofka.

13 Mula sa Dofka, nagkampo sila sa Alus.

14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, kung saan walang tubig na naiinom ang mga tao.

15 Mula sa Refidim, nagkampo sila sa disyerto ng Sinai.

16-36 Ito pa ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan nang naglalakbay sila mula sa disyerto ng Sinai papunta sa Kadesh, sa ilang ng Zin: Kibrot Hataava, Hazerot, Ritma, Rimon Perez, Libna, Risa, Kehelata, Bundok ng Shefer, Harada, Makelot, Tahat, Tera, Mitca, Hasmona, Moserot, Bene Jaakan, Hor Hagidgad, Jotbata, Abrona, Ezion Geber at hanggang sa makarating sila sa Kadesh sa ilang ng Zin.

37 Mula sa Kadesh, nagkampo sila sa Bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom. 38-39 Sa utos ng Panginoon, umakyat si Aaron sa Bundok ng Hor at doon siya namatay sa edad na 123 taon. Nangyari ito noong unang araw ng ikalimang buwan, nang ika-40 taon mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto.

40 Ngayon, ang hari ng Canaan na si Arad na naninirahan sa Negev ay nakabalita na paparating ang mga mamamayan ng Israel.

41-48 Mula naman sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ito ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan: Zalmona, Punon, Obot, Iye Abarim, na nasa hangganan ng Moab, Dibon Gad, Almon Diblataim, sa mga bundok ng Abarim na malapit sa Nebo, at hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico. 49 Nagkampo sila roon sa tabi ng Jordan mula sa Bet Jeshimot hanggang sa Abel Shitim na sakop pa rin ng kapatagan ng Moab. 50 At habang nagkakampo sila roon sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, sinabi ng Panginoon kay Moises, 51 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung tatawid sila sa Ilog ng Jordan papunta sa Canaan, 52 palayasin nila ang lahat ng naninirahan doon at gibain ang lahat ng dios-diosan nila na gawa sa mga bato at metal, at ang lahat ng kanilang sambahan sa matataas na lugar.[a] 53 Sasakupin ninyo ang mga lupaing iyon at doon kayo titira dahil ibinibigay ko ito sa inyo. 54 Partihin ninyo ang lupa sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa dami ng bawat lahi. Ang lahi na may maraming bilang ay partihan ninyo ng malaki, at ang lahi na may kakaunting bilang ay partihan ninyo ng maliit. Kung ano ang mabunot nila, iyon na ang kanilang parte. Sa pamamagitan nito, mahahati ang lupa sa bawat lahi.

55 “Pero kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan doon, ang mga matitira sa kanilaʼy magiging parang puwing sa inyong mga mata at tinik sa inyong mga tagiliran. Magbibigay sila ng kaguluhan sa inyong paninirahan doon. 56 At gagawin ko sa inyo ang parusa na dapat para sa kanila.”

Ang mga Hangganan ng Canaan

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kung papasok na sila sa Canaan, ito ang mga hangganan ng lupain na kanilang mamanahin:

“Ang hangganan sa timog ay ang ilang ng Zin sa may hangganan ng Edom. Magsisimula ito sa katimugang bahagi ng Dagat na Patay.[b] At liliko ito patimog papunta sa Daang Paahon ng Akrabim, hanggang sa ilang ng Zin, at magpapatuloy sa timog ng Kadesh Barnea. Pagkatapos, didiretso ito sa Hazar Adar hanggang sa Azmon, at liliko papunta sa Lambak ng Egipto at magtatapos sa Dagat ng Mediteraneo.

“Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo.

“Ang hangganan sa hilaga ay magmumula sa Dagat ng Mediteraneo papunta sa Bundok ng Hor, at mula sa Bundok ng Hor papunta sa Lebo Hamat. Magpapatuloy ito sa Zedad, hanggang sa Zifron at magtatapos sa Hazar Enan.

10 “Ang hangganan sa silangan ay magmumula sa Hazar Enan papunta sa Shefam. 11 Pagkatapos, bababa ito papunta sa Ribla, sa bandang silangan ng Ain, at magpapatuloy ito sa mga burol sa silangan ng Lawa ng Galilea.[c] 12 Pagkatapos, bababa ito sa Jordan at magtatapos sa Dagat na Patay.

“Ito ang inyong lupain, at ang mga hangganan nito sa palibot.”

13 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Hatiin ninyo ang mga lupaing ito bilang inyong mana sa pamamagitan ng palabunutan. Sinabi ng Panginoon na ibigay ito sa siyam at kalahating lahi, 14-15 Dahil ang lahi nina Reuben, Gad, at ng kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng kanilang mana sa bandang silangan ng Jordan malapit sa Jerico.”

16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Sina Eleazar na pari at Josue na anak ni Nun ang maghahati-hati ng lupain para sa mga tao. 18 At pumili ka ng isang pinuno sa bawat lahi para tulungan sila sa paghahati ng lupain.” 19-28 Ito ang pangalan ng mga pinili:

Lahi Pinuno
JudaCaleb na anak ni Jefune
SimeonShemuel na anak ni Amihud
BenjaminElidad na anak ni Kislon
DanBuki na anak ni Jogli
Manase na anak ni JoseHaniel na anak ni Efod
Efraim na anak ni JoseKemuel na anak ni Siftan
ZebulunElizafan na anak ni Parnac
IsacarPaltiel na anak ni Azan
AsherAhihud na anak ni Shelomi
NaftaliPedahel na anak ni Amihud

29 Sila ang mga pinili ng Panginoon para tumulong sa paghahati-hati ng lupain ng Canaan bilang mana ng mga Israelita.

Marcos 9:30-50

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

30 Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya, 31 dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.

Sino ang Pinakadakila?(B)

33 Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?” 34 Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. 35 Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.” 36 Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila, 37 “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(C)

38 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 39 Pero sinabi ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil walang sinumang gumagawa ng himala sa aking pangalan ang magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin. 41 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang magbigay sa inyo ng kahit isang basong tubig, dahil kayo ay kay Cristo, ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

Mga Dahilan ng Pagkakasala(D)

42 “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44 Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48 Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.

49 “Sapagkat ang lahat ay aasinan[a] sa apoy. 50 Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,[b] wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®