Old/New Testament
Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)
11 1-3 Inutusan ng Panginoon si Moises at si Aaron na sabihin sa mga taga-Israel ang mga sumusunod:
“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na lumalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.[a] 4-8 Pero huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming[b] hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.
9-12 “Pwede nʼyong kainin ang mga isda sa dagat o tubig-tabang na may mga palikpik at kaliskis. Pero huwag ninyong kakainin ang mga walang palikpik at kaliskis, at huwag din kayong hihipo ng mga patay na isdang ito. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga isdang ito.
13-19 “Huwag ninyong kakainin ang mga ibon[c] katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[d] Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ibon na ito.
20-23 “Pwede nʼyong kainin ang mga kulisap na lumilipad at gumagapang na may malalaking paa sa paglundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Pero huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.
24-28 “Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot.[e] Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit,[f] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29-31 “Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng daga, bubwit, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango.[g] Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Ang alin mang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig,[h] pero ituturing pa rin na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 33 Kapag ang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin. 34 Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig na mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon. 35 Ang alin mang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin. 36 Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis,[i] pero ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi. 37 Ang alin mang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis, 38 pero kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.
39 “Kung mamatay ang alin mang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw. 40 Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.[j]
41-42 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi. 43-44 Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal. 45 Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto para akoʼy maging Dios ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.
46 “Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito tungkol sa lahat ng uri ng hayop, ibon at isda, 47 malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang pwede at hindi pwedeng kainin.”
Mga Tuntunin Tungkol sa Babaeng Nanganak
12 Inutusan ng Panginoon si Moises na 2 sabihin ito sa mga taga-Israel:
Kung ang isang babae ay nanganak ng lalaki, siyaʼy ituturing na marumi[k] sa loob ng pitong araw, tulad nang panahong siya ay may buwanang dalaw. 3 Sa ikawalong araw, tutuliin ang kanyang anak. 4 Dahil sa siyaʼy dinudugo pa, maghihintay pa siya hanggang sa makalipas ang 33 araw bago siya ituring na malinis[l] dahil sa dugo ng panganganak. Hindi siya maaaring humipo ng kahit anumang bagay at hindi siya maaaring pumunta sa Toldang Tipanan hanggang sa matapos ang kanyang paglilinis. 5 Kung babae ang anak niya, ituturing siyang marumi sa loob ng 14 na araw, tulad nang panahong siya ay siyaʼy may buwanang dalaw. Maghihintay pa siya ng 66 na araw bago siya ituring na malinis mula sa dugo ng panganganak.
6 Kapag tapos na ang mga araw ng kanyang paglilinis para sa anak na lalaki o babae, magdadala siya sa pari malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang may isang taong gulang, bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o batu-bato bilang handog sa paglilinis. 7-8 Ihahandog ito ng pari sa Panginoon para maalis ang kanyang karumihan dahil sa kanyang pagdurugo sa panganganak at magiging malinis siya. Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isa ay bilang handog na sinusunog at ang isa ay bilang handog sa paglilinis. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, maaalis ang karumihan niya at ituturing na siyang malinis. Ito ang mga tuntunin tungkol sa babaeng nanganak.
Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)
26 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 2 “Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,[a] at ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa akin upang ipako sa krus.” 3 Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4 Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5 Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8 Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)
14 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15 Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.
Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya(D)
17 Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18 Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19 Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.
20 Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22 Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23 Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25 Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®