Old/New Testament
Ang Kaban sa Loob ng Tolda
16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. 2 Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, 3 at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.
4 Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. 5 Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. 6 Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. 7 Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.
Ang Awit ng Papuri(A)
8 Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
9 Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(B) ginawa niyang tipan kay Abraham,
pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(C) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”
19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(D) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
ang mga propeta ko ay iyong igalang.”
23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.
25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.
28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30 sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
“Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.
34 Purihin(E) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!
Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.
Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon
37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.
43 Pagkatapos,(F) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.
Ang Mensahe ni Natan kay David(G)
17 Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.”
2 Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”
3 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 4 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. 5 Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. 6 Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. 7 Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. 8 Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. 9 Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, 10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. 11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. 12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. 13 Ako'y(H) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. 14 Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’”
15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain.
Ang Panalangin ni David(I)
16 Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. 17 Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. 18 Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! 19 Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. 20 Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. 21 Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. 22 Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila.
23 “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. 24 Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. 25 Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. 26 Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. 27 Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.”
Mga Tagumpay ni David sa Labanan(J)
18 Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito.
2 Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito.
3 Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. 4 Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira.
5 Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. 6 Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. 7 Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. 8 Napakaraming(K) tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, 10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, 11 pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek.
12 Si(L) Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. 13 Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating.
14 Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. 15 Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 16 Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. 17 Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan.
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. 31 Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?”
Nag-utos ang mga Pariseo na Dakpin si Jesus
32 Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo na dakpin si Jesus.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang napadpad sa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? 36 Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”
Daloy ng Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Sa(A) kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Ang(B) sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’[a]” 39 Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati.
Nagtalu-talo ang mga Tao tungkol sa Cristo
40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” 41 “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? 42 Hindi(C) ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” 43 Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. 44 Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya.
Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno
45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”
46 Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!”
47 “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. 48 “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!”
50 Isa(D) sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”
52 Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”
Pinatawad ang Babaing Nangalunya
[53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.