Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 74-76

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[c]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Diyos ang Magtatagumpay

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
    sa buong Israel, dakilang talaga;
nasa Jerusalem ang tahanan niya,
    sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
Lahat ng sandata ng mga kaaway,
    mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[d]

O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
    higit pa sa matatag na kabundukan.[e]
Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
    nahihimbing sila at nakahandusay,
    mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
    sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.

Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
    Sino ang tatayo sa iyong harapan
    kapag nagalit ka sa mga kinapal?
Sa iyong paghatol na mula sa langit,
    ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
    naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[f]

10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
    Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
    dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.

12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
    tinatakot niya hari mang dakila.

Roma 9:16-33

16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(A) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(B) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(C) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?

22 Kaya,(D) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(E) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

“Ang dating hindi ko bayan
    ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
    ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(F) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”

27 Ito(G) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(H) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”

Ang Israel at ang Magandang Balita

30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(I) ng nasusulat,

“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
    isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.