Old/New Testament
Iniutos ni Yahweh na Muling Itayo ang Templo
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak.
2 Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.” 3 Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan, 4 “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? 5 Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo? 6 Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya. 7 Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari? 8 Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.”
9 “Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak. 10 Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago. 11 Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.”
Sinunod ng Sambayanan ang Utos ni Yahweh
12 Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos. 13 Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.” 14 Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos, 15 noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario.
Ang Kagandahan ng Bagong Templo
2 Noong ikadalawampu't isa ng ikapitong buwan ng taon ding iyon, muling nagsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Hagai 2 upang ipaabot ang mensaheng ito kay Zerubabel na gobernador ng Juda at kay Josue na pinakapunong pari, gayundin sa buong sambayanan: 3 “Sino(B) sa inyo ang nakakaalala sa maringal na kaningningan ng naunang Templo? Maihahambing ba ninyo ang kagandahan noon sa hitsura ng Templong ito ngayon? Wala itong sinabi sa naunang Templo. 4 Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. 5 Nang(C) palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot.
6 “Hindi(D) na magtatagal at yayanigin ko ang langit at ang daigdig, ang lupa at ang dagat. 7 Yayanigin ko ang mga bansa at dadalhin ko dito ang kanilang mga kayamanan. Ang Templong ito ay mapupuno ng kanilang mga kayamanan 8 sapagkat ang lahat ng pilak at ginto sa buong daigdig ay akin. 9 Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Sumangguni ang Propeta sa mga Pari
10 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 11 Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin: 12 “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.”
13 Muling(E) nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari.
14 Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.”
Nangako ng Pagpapala si Yahweh
15 Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo, 16 inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang. 17 Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. 18 Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari. 19 Ubos na ba ang mga pagkaing butil sa kamalig? Wala pa bang bunga ang mga puno ng ubas, ng igos, ng granada, at ng olibo? Huwag kayong mabahala sapagkat mula ngayon ay pagpapalain ko na kayo.”
Ang Pangako ni Yahweh kay Zerubabel
20 Nang araw ding iyon, ikadalawampu't apat ng buwan, isa pang mensahe ang ibinigay ni Yahweh para kay Hagai 21 upang iparating kay Zerubabel na gobernador ng Juda, “Malapit ko nang yanigin ang langit at ang lupa, 22 pati na ang mga kaharian; wawakasan ko na ang kapangyarihan ng mga ito. Sisirain ko na ang kanilang mga karwahe at papaslangin ang mga nakasakay doon. Mamamatay din ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. 23 Pagsapit ng araw na iyon, kukunin kita Zerubabel na aking lingkod. Itatalaga kita upang maghari sa ilalim ng aking kapangyarihan. Ikaw ang aking pinili.” Iyan ang pahayag ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang Reyna ng Kahalayan
17 Pagkatapos,(A) ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Ang(B) mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.”
3 At(C) napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. 4 Ang(D)(E) damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. 5 Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” 6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.
Nanggilalas ako nang makita ko siya. 7 “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.
9 “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan.
12 “Ang(F) sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. 17 Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.