Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 6-7

Mga Dagdag na Babala

Aking(A) anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,
    ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:
Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,
    sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,
    ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,
    at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.

Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad,
    pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat.
Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos,
    walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod,
ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,
    kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan,
    kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay?
10 Kaunting(B) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
11 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating
    na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.

12 Taong walang kuwenta at taong masama,
    kasinungalingan, kanyang dala-dala.
13 Ang(C) mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,
    ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
14 Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,
    ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid.
15 Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,
    sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling.

16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,
    mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17 kapalaluan, kasinungalingan,
    at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18 pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,
    mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19 saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,
    pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.

Babala Laban sa Pangangalunya

20 Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin,
    huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw.
21 Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip.
22 Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay,
    sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
23 Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw,
    at daan ng buhay itong mga saway.
24 Ilalayo ka nito sa babaing masama,
    sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya.
25 Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay,
    ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay.
26 Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay,
    ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay.
27 Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,
    kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon?
28 Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,
    hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
29 Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,
    tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama.
30 Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,
    kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya.
31 Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli,
    ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili.
32 Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang,
    sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan.
33 Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili,
    ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi.
34 Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,
    ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot.
35 Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,
    kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.

Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
    itanim sa isip at huwag kalimutan.
Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
    turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
    at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
    at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
    nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.

Ang Babaing Mapangalunya

Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
    at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
ang aking nakita'y maraming kabataan,
    ngunit may napansin akong isang mangmang.
Naglalakad siya sa may panulukan,
    ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
    sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.

10 Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
    mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11 Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
    di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12 Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
    walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13 Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
    at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14 “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
    katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15 Ako ay narito upang ika'y salubungin,
    mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16 Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
    linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17 Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
    bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18 Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
    ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19 Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
    pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20 Marami ang baon niyang salapi,
    pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”

21 Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
    sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22 Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
    parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23     hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
    hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.

24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
    at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
    ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26 sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
    at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
    tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.

2 Corinto 2

Sapagkat[a] ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.

Patawarin ang Nagkasala

Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.

Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10 Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11 upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan.

Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas

12 Nang(A) dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. 13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.

Nagtagumpay Dahil kay Cristo

14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15 Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.