Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 87-88

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[d] Isang Maskil[e] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[f]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[g]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Roma 13

Paggalang sa Pamahalaan

13 Ang(A) bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa.[a] Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.

Iyan(B) din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Mga Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang(C) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[b] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.