Old/New Testament
Namagitan si Jonatan kay Saul para kay David
19 Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. 2 Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar. 3 Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”
4 Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya. 5 Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”
6 Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ko na siya papatayin.” 7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
Iniligtas ni Mical si David
8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.
9 Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa. 10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.
11 Kinagabihan,(A) (B) pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.” 12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas. 13 Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan.
14 Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Mical, “May sakit siya.”
15 Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo at pinagbilinan ng ganito, “Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.” 16 Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang rebultong may buhok na balahibo ng kambing. 17 Tinawag ni Saul si Mical, “Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?”
Sumagot si Mical, “Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.”
18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. 19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” 20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu[b] ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. 21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. 22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. 23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu[c] ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. 24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
Ang Sumpaan nina David at Jonatan
20 Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”
2 Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”
3 Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”
4 Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”
5 Sumagot(C) siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. 6 Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. 7 Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. 8 Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”
9 Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”
10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”
11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”
12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung(D) ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”
17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”
24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo 25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan. 26 Nang araw na iyon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David sapagkat inisip niyang maaaring may malaking dahilan o baka hindi ito malinis ayon sa kautusan. 27 Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?”
28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. 29 May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.”
30 Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? 31 Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.”
32 Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?”
33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. 34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain nang araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. 35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. 36 Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. 37 Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” 38 Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. 39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. 40 Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod.
41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. 42 Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan.
Nagpunta si David sa Nob
21 Si(E) (F) David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya sa paring si Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, “Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?” 2 Sumagot si David, “Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay ako doon sa kanila. 3 Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong nariyan.”
4 Sinabi ng pari, “Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.”
5 Sumagot si David, “Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kapag may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?”
6 At ibinigay ng pari kay David ang tinapay na panghandog sa harapan ni Yahweh upang ang mga ito'y palitan ng bago sa araw na iyon.
7 Nagkataong naroon si Doeg na Edomita, ang pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh.
8 Tinanong pa ni David si Ahimelec, “Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat madalian ang utos ng hari.”
9 Sumagot(G) ang pari, “Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung gusto mo.”
“Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,” sabi ni David.
10 Nang araw na iyon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat. 11 Ngunit(H) nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, “Di ba't iyan si David na hari sa kanyang bayan? Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang,
‘Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.’”
12 Pinag-isipang(I) mabuti ni David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis. 13 Kaya't(J) nagkunwari siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway. 14 Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, “Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw? 15 Masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(A)
29 Nang(B) dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung(C) paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa(D) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa(E) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”
Ang Ilaw ng Katawan(F)
33 “Walang(G) nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga].[a] Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(H)
37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
42 “Kahabag-habag(I) kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.
43 “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”
45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”
46 Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ 50 Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula(J) kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito.
52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
53 At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.