Old/New Testament
Papuri sa Karunungan
8 Hindi(A) mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2 Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3 nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4 “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
5 Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
6 Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7 Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8 Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9 Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11 “Pagkat(B) akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14 Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15 Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16 Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17 Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18 Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19 Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20 Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21 Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.
22 “Sa(C) lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23 Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24 Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25 Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26 Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27 Nang(D) likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28 Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29 Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30 ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31 Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
32 “At(E) ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
33 Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34 Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35 Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36 Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”
Ang Karunungan at ang Kahangalan
9 Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
2 Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
3 Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
4 “Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
5 “Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
6 Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
7 Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
8 Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
9 Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang(F) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12 Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.
13 Ang nakakatulad nitong taong mangmang,
babaing magaslaw at walang kahihiyan.
14 Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,
o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan.
15 Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan,
ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan,
16 “Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!”
Kanya namang sinasabi sa mga mangmang,
17 “Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis,
tinapay na nakaw, masarap na labis.”
18 Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,
at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan.
Ang mga Kawikaan ni Solomon
Ang mga kawikaan ni Solomon:
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat ng rekomendasyon. Nakasulat kayo sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat. 3 Ipinapakita ninyo na kayo ay sulat ni Cristo na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi nakaukit sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 5 Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. 6 Binigyan(A) niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.
7 Nang(B) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, 8 gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? 9 Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.
12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(C) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(D) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.