Old/New Testament
Panalangin Upang Saklolohan
Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
2 Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
3 Ang nagmamataas ay laban sa akin,
hangad ng malupit ang ako'y patayin,
kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]
4 Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
5 Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.
6 Buong galak naman akong maghahandog
ng pasasalamat kay Yahweh,
dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
7 Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
at aking nakitang sila ay talunan!
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[c] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[d]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[e]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha(B) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[f] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
2 nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
4 Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!
8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
9 Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!
3 Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? 2 Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. 3 Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? 4 Hinding-hindi!(A) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,
“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”
5 Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) 6 Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?
7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? 8 Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.
Walang Sinumang Matuwid
9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(B) sa nasusulat,
“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(C) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(D) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(E) sila marunong matakot sa Diyos.”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(F) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.
Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.
27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(G) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.