Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ester 3-5

Ang Pakana ni Haman Laban sa mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita.[a] Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod at dinadahilan niyang siya'y isang Judio. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman. Nang malaman ni Haman na hindi yumuyukod si Mordecai, sumiklab ang kanyang galit. Dahil dito, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian.

Sa ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, iniutos ni Haman na gawin ang palabunutan upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumapat ito sa ikalabing apat[b] na araw ng ikalabindalawang buwan.

Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat ng panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po sa inyo kung hahayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, Kamahalan, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong ito. At mula sa mga masasamsam ay maglalagak ako ng 340,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng hari.”

10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman upang maging opisyal ang kautusan laban sa mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila. Bahala ka na rin sa masasamsam mong salapi nila.”

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia.[c] Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.[d]

Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio[e]

Ito ang nilalaman ng liham.

Ang Dakilang Haring Xerxes ay sumusulat sa mga gobernador at mga katulong na tagapamahala ng 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[f]

“Bilang pinuno ng maraming bansa at panginoon ng buong daigdig, hindi ko ipinagmamalaki ang aking kapangyarihan. Ang hangad ko lamang ay maging matatag at mapagkalinga ang aking pamamahala. Nais ko na ang lahat ng aking nasasakupan ay mamuhay nang matiwasay at mapayapa; ligtas sa lahat ng panliligalig, at malayang makapaglakbay sa lahat ng panig ng kaharian.

“Nang isangguni ko sa aking mga tagapayo kung paanong maipagtatagumpay ang layuning ito, ganito ang naging payo ni Haman na pangunahin kong tagapayo at kilala ng lahat sa katalinuhan at katapatan sa hari. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan at pangalawa sa akin sa kapangyarihan. Sinabi niya sa amin na may isang lahing namamayan sa buong nasasakupan ng ating kaharian, kahalo ng iba't ibang bansa, ngunit namumukod sa lahat. Ang mga batas nila ay laban sa tuntunin ng bawat bansa, at lagi na lang sumusuway sa mga utos ng mga hari. At dahil dito'y hindi magkaisa ang kaharian. Nalaman naming tanging ang mga taong ito at sila lamang, ay laban sa lahat, may sariling tuntunin at paraan ng pamumuhay, at wala nang sinisikap kundi ang kapahamakan ng kaharian, kaya't hindi na tayo natahimik.

“Dahil dito, iniuutos namin na lahat ng taong tinutukoy sa sulat ni Haman, ang tagapamahala ng kaharian at pangalawa nating ama, ay ganap na lipulin, nang walang awa, pati kanilang mga anak at asawa. Ito'y isasagawa sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan ng taóng ito, upang ang mga taong ito na matagal nang lumalaban sa kaharian ay malipol sa isang araw at sabay-sabay na mahulog sa daigdig ng mga patay. Sa gayon, matatahimik na ang kaharian.”

14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng kopya ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit.

15 At ang utos ng hari ay ipinahayag sa Susa, ang kapitolyo ng Persia. Kaagad namang nagpadala ng mga kopya ng kautusan sa mga lalawigan. Masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, samantalang nagkakagulo naman sa buong Susa.

Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan

Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot ng damit-panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na isinisigaw, “Ang nais nilang lipulin ay isang lahing walang kasalanan!” Nang umabot siya sa pasukan ng palasyo huminto sapagkat hindi pinapayagang pumasok roon ang sinumang nakasuot ng damit-panluksa. Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis, nagsuot ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa ulo.

Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac,[g] isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon.[h] Sinabi naman nito ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa hari mapatay lamang ang mga Judio. Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng utos ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari. Ipinasabi niya para kay Ester, “Alalahanin mo noong ikaw ay isa pang karaniwang mamamayan, noong ikaw ay nasa akin pang pangangalaga. Alalahanin mo iyon sapagkat ang punong ministrong si Haman ay gumawa ng plano laban sa atin; gusto niya tayong lipuling lahat. Kaya't manalangin ka sa Panginoon, at pagkatapos ay kausapin mo ang hari tungkol sa banta sa atin. Iligtas mo ang ating lahi!”

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinatatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”

12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Ester, huwag mo sanang aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ligtas ka na. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio ngunit malilipol ka at ang iyong sambahayan. Anong malay mo? Baka nga ang dahilan kung bakit ka naging reyna ay para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon?”

15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.

Ang Panalangin ni Mordecai[i]

Dahil(A) dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya: “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel. Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito. Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo. Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman. Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel. Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas. Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang. Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon. 10 Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”

11 Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.

Ang Panalangin ni Ester

12 Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon. 13 Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti. 14 At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:

“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang. 15 Haharap ako sa napakalaking panganib. 16 Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.

17 “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway, 18 sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon. 19 Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan 20 na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana. 21 Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.

22 “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.

23 “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. 24 Bigyan(B) mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. 25 Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.

26 “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito. 27 Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae. 28 Ako(C) na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan. 29 Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham. 30 “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”

Dumulog si Ester sa Hari[j]

Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit. Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae. Lumakad siyang akay ng isang lingkod, habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit. Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba. Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo. Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod. Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna. Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa. 10 Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan. 11 Lumapit ka.” 12 Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”

13 Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan. 14 Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”

15 Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay. 16 Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.

Ang Piging para sa Hari at kay Haman[k]

Itinanong(D) ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Ester, “Ang araw na ito ay natatanging araw para sa akin. Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo kayo ni Haman mamayang gabi sa piging na inihanda ko para sa inyo.”

Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa handaan ni Ester. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa handaan bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”

Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan

Masayang-masaya si Haman nang umalis siya sa palasyo. Subalit nang makita niya si Mordecai na noo'y nasa pasukan ng palasyo, sumiklab muli ang kanyang galit. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkakatalaga sa kanya bilang punong ministro. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng piging. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nasa pasukan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng asawa niya't mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na pitumpu't limang talampakan ang taas sa may pintuan ng palasyo, at hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Bukas ay malaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa nga siya ng bitayan.

Mga Gawa 5:22-42

22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.

27 Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. 28 “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi(A) niya. “Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus.[a] 31 Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(B) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”

Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.