Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 110-112

Si Yahweh at ang Piniling Hari

Isang Awit na katha ni David.

110 Sinabi(A) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

Si(B) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.

Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh

111 Purihin si Yahweh!

Buong puso siyang pasasalamatan,
    aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
    mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
    katuwiran niya'y hindi magwawakas.

Hindi maaalis sa ating gunita,
    si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
    pangako ni Yahweh ay di nasisira.
Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
    nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
    at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
    pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
    may ipinangakong walang hanggang tipan;
    Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(C) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
    Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!

Mapalad ang Mabuting Tao

112 Purihin si Yahweh!

Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
    at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
    pati mga angkan ay may pagpapala.
Magiging sagana sa kanyang tahanan,
    pagpapala niya'y walang katapusan.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
    kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
    kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
    di malilimutan kahit isang saglit.

Masamang balita'y hindi nagigitla,
    matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Wala siyang takot, hindi nangangamba,
    alam na babagsak ang kaaway niya.
Nagbibigay(D) sa mga nangangailangan,
    pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
    buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
    lumalayas silang mabagsik ang mukha;
    pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.

1 Corinto 5

Parusa sa Gumagawa ng Kahalayan

Nakarating(A) nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na sa pangalan ng ating Panginoong Jesus.[a] Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.

Hindi(B) kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? Alisin(C) ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. Kaya't(D) ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.

Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.

12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.