Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 25-27

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

25 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:

“Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang;
    naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan.
Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang,
lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan.
Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos?
Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning,
    at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin.
Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod,
    may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?”

Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

26 Tumugon naman si Job,
“Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
    Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
    at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
    At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
    ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
    Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
    ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
    at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10 Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
    ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11 Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
    nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12 Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
    sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
    pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14 Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
    na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 Muling tumugon si Job,
“Isinusumpa ko sa Diyos na sa aki'y nagkait ng katarungan,
    sa Makapangyarihang Diyos na nagdulot sa akin ng kapaitan.
3-4 Habang mayroon akong hininga na Diyos ang nagbibigay,
    ang labi ko'y walang bibigkasing kasinungalingan,
    ang aking sasabihin ay pawang katotohanan.
Hindi ko matatanggap na kayo ang may katuwiran,
    igigiit hanggang kamatayan na ako'y walang kasalanan.
Hindi ko isusuko ang aking katuwiran,
    budhi ko'y malinis, di ako sinusumbatan.

“Parusahan nawa ang lahat ng sa aki'y lumalapastangan;
    ituring nawa silang lahat na makasalanan.
Ang makasalana'y mayroon pa bang pag-asa,
    kapag binawi na ng Diyos ang buhay na taglay niya?
Pagsapit ng kaguluhan, papakinggan kaya ng Diyos ang kanyang panawagan?
10 Ito kaya ay mananalig sa Makapangyarihan
    at sa lahat ng araw, Diyos ay tatawagan.

11 “Ang kalooban ng Diyos, sa inyo'y sasabihin
    at aking ihahayag ang nais niyang gawin.
12 Ang lahat ng ito'y inyo namang nalalaman,
    subalit ang salita ninyo'y pawang walang kabuluhan.”

13 Ang sagot ni Zofar:
“Sa masama ay ganito ang inihanda ng Diyos,
    sa mararahas ay ito ang parusang ibubuhos:
14 Magkakaanak sila ng marami
    ngunit mamamatay sa digmaan,
    ang kanilang mga anak, gutom ang mararanasan.
15 Ang matitirang buháy, sa salot mamamatay,
    ngunit kanilang mga biyuda, hindi sila tatangisan.
16 Kahit siya'y makaipon ng malaking kayamanan
    o kaya'y magkaroon ng maraming kasuotan,
17 isa man sa mga iyon ay di niya papakinabangan,
    mapupunta sa matuwid ang lahat niyang kayamanan.
18 Sapot lamang ng gagamba[a] ang katulad ng kanyang bahay,
    parang kubo lamang ng mga aliping bantay.
19 Matutulog ang mayaman ngunit hanggang doon na lang;
    pagmulat ng kanyang mata, ari-arian niya ay wala na.
20 Mga kasawian ay parang bahang darating,
    tatangayin ng ipu-ipo pagsapit ng dilim.
21     Matinding hanging silangan, sa kanya ay tatangay, tuluyan siyang mawawala at di na makikita.
22     Patuloy siyang babayuhin nang walang pakundangan,
    ang kapangyarihan nito'y sisikapin niyang matakasan.
23 Sa bandang huli, hangin ay magagalak
    pagkat itong masama, tuluyan ng bumagsak.

Mga Gawa 12

Panibagong Pag-uusig

12 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes[a] ang ilang kaanib ng iglesya. Ipinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip(A) kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”

Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.

15 “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” 16 Samantala, patuloy na kumakatok si Pedro.

Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. 17 Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay.

Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal(B) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.

24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.

25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[b] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.